Lunes, Nobyembre 15, 2021

Magbasa-basa

MAGBASA-BASA

minsan sa kisame'y nadadatnang nakatingala
pinanonood ang mga gagambang nagsagupa
habang sa suot kapayatan ko'y nahahalata
anuman ang mangyari, dapat tayong laging handa

kaya ngayon ay nagbabasa ng maikling kwento
na balang araw ay maging kwentista ring totoo
bilang preparasyon sa nobelang kakathain ko
at masulat ang dula't dagling nasa aking noo

maaaring simulan sa makatarungang hari
nang papugutan ng ulo ang malibog na pari
may isang magsasakang ginawa'y kapuri-puri
habang nag-alsa ang manggagawa laban sa imbi

kaya magbasa-basa ng mga kwentong may kwenta
may iyakan, may labanan, may inis, may patawa
aralin ang bawat estilo ng mga kwentista
magkwento ka't pag-alabin ang damdamin ng masa

- gregoriovbituinjr.
11.15.2021

Resulta

RESULTA

noong Biyernes nang magpunta ako ng umaga
isinumite ang maliit na boteng may plema
upang suriin ito ng mga espesyalista
noong hapon ding iyon ko nakuha ang resulta

madaling araw gumising at maagang umalis
pagkasumite'y ilang oras naghintay ng release
ng resulta dahil nagka-T.B.'t may diabetes
gamutan pang anim-na-buwan ang ipagtitiis

kung di pa luluwas, aba'y di pa magpapa-check up
kung di nagka-covid, di maiisip magpa-check up
tila kalusugan ay nababalewalang ganap
may sakit na'y di pa alam, kaya di nalilingap

nang makuha ang resulta'y agad pinabasa ko
sa doktor, iyon nga, matagal na gamutan ito
sabi niya, mabuti't naagapan ngang totoo
dahil kung tumagal pa'y baka mahirapang todo

- gregoriovbituinjr.
11.15.2021

Esensya ng buhay

ESENSYA NG BUHAY

di mahalaga sa akin ang ginto man o pera
kundi esensya ng buhay, bakit nabubuhay pa
iyon ang mahalaga sa pag-iral ko tuwina
hirap man ay patuloy sa paglilingkod sa masa

ayokong maghanap ng pera sa buong panahon
na di mo na namalayang tumanda kang ganoon
na magbayad ng utang ang nasa isip maghapon
nabubuhay lang upang magbayad ng utang doon

iyon ba ang esensya ng buhay? di mo matiyak?
na kaya ka nabuhay upang dumaan sa lubak?
na dinaranas mo ngayon ay gumapang sa lusak?
dahil sa sistemang bulok, kayraming hinahamak

minsan, bato sa lansangan ay sinisipa-sipa
tila baga wala silang kabuluhan sa madla
kung bato'y titipunin, mga graba silang sadya
at sila'y sangkap sa mga gusaling magagawa

natagpuan ko na kung saan ako nababagay
sa parlamento ng lansangan nga'y magpakahusay
sa pakikibakang masa, sa mga isyung tunay
pagkatha ng tulâ, pagsulat ng kwento't sanaysay

nariyan ang esensya ng abang buhay kong iwi
ang makapaglingkod sa bayan, sa masa, sa uri
itayo ang lipunang makataong minimithi
para sa kinabukasan ng bawat salinlahi

wala sa pera o ginto ang esensya ng buhay
na batid nating di naman madadala sa hukay
mabuti pang nakikibaka kahit na mapatay
buhay ko'y nariyan, ang kabuluhan niring buhay

- gregoriovbituinjr.
11.15.2021