Linggo, Oktubre 12, 2025

Lutang sa hangin

LUTANG SA HANGIN

"Pagsubok ba ng Diyos ang katiwalian?"
aba'y nainis ako't siya'y nasigawan:
"Gawain iyon ng sa gobyerno'y kawatan
na ninakawan nila'y tayong taumbayan!"

nakahiligan niya'y pawang pamahiin
na gawa ng demonyo ang lahat ng krimen
di lapat sa lupa, diwa'y lutang sa hangin
"Pag-aralan mo ang lipunan!" aking bilin

dating adik siyang nais magbagong buhay
ngunit lutang din sa hangin ang gumagabay
dapat kongkretong suri sa kongkretong lagay
ng bayan, aralin ang mga isyu't ugnay

ipagpaumanhin kung nainis sa kanya
bagamat ayos lang naman ang tanong niya
dapat ko lamang pagpaliwanagan siya
ng lapat sa lupang kasagutan talaga

- gregoriovbituinjr.
10.12.2025

Kaming mga tibak na Spartan

KAMING MGA TIBAK NA SPARTAN

kaming mga tibak na Spartan
malulugmok lang sa kamatayan
at di sa anumang karamdaman
na prinsipyo naming tangan-tangan

kaya katawa'y pinatatatag
ang puso't diwa'y di nangangarag
ginagamot ang sariling sugat
lunas ay agad inilalapat

kumakain ng sariwang gulay
nang laman, diwa't puso'y tumibay
sariwang buko ang tinatagay
habang patuloy sa pagsasanay

nabubuhay na kaming ganito
at ganito kami hanggang dulo
tuloy sa paglilingkod sa tao
lalo sa dukha't uring obrero

- gregoriovbituinjr.
10.12.2025

ALTANGHAP (ALmusal, TANGhalian, HAPunan)

ALTANGHAP (ALmusal, TANGhalian, HAPunan)

pritong isda, talbos ng kamote
okra, bawang, sibuyas, kamatis
pagkain ng maralita'y simple
upang iwing bituka'y luminis

sa katawan nati'y pampalusog
nang makaiwas sa karamdaman
puso't diwa man ay niyuyugyog
ng problema ay makakayanan

iwas-karne na'y patakaran ko
hangga't kaya, pagkain ng prutas
ay isa pang kaygandang totoo
pagkat iinumin mo ang katas

aba'y oo, simpleng pamumuhay
at puspusan sa pakikibaka
dapat tayo'y may lakas na taglay
lalo na't nagsisilbi sa masa

- gregoriovbituinjr.
10.12.2025

Maging bayani ka sa panahong ito

MAGING BAYANI KA SA PANAHONG ITO

maging bayani ka / sa panahong ito
laban sa korapsyon / ng mga dorobo
bahâ sa probinsya't / lungsod nating ito
pagkat ibinulsa / mismo nila'y pondo

ng bayan, trapo ngâ / ang mga kawatan
na 'naglilingkod' daw / sa pamahalaan
aba'y senador pa't / konggresista iyan
at mga kontraktor / ang kasabwat naman

masa'y niloloko / nitong mga hayok
sa salapi, masa'y / di dapat malugmok
subalit di sapat / ang sanlibong suntok
sa mga nilamon / ng sistemang bulok

tuligsain natin / lahat ng kurakot
at singilin natin / ang dapat managot
ipakulong natin / ang lahat ng sangkot
at tiyaking sila'y / di makalulusot

sa panahong ito / ay maging bayani
unahin ang bayan, / at di ang sarili
singilin ang trapong / kunwari'y nagsilbi
panagutin natin / silang tuso't imbi

- gregoriovbituinjr.
10.12.2025

* litrato kuha sa Foro de Intramuros, Oktubre 11, 2025, sa aktibidad ng grupong Dakila