Biyernes, Hulyo 31, 2009

Pangarap na Handog

PANGARAP NA HANDOG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

pangarap nating kayganda't kaytayog
na nagbabagang diwa'y mailuhog
at ang nasang pagbabago'y mahinog
na sa sambayanan ay maihandog

ngunit sa hirap tayo nama'y lamog
habang tiyan ng trapo'y bumibintog

sa kurakutan ang gobyerno'y bantog
pati na mga pulitikong hambog
ulo nati'y kanilang binibilog
kawawa naman itong bayang irog

o, kailan ba tayo mauuntog
upang bulok na sistema'y ilubog

halina't kumilos tayong may libog
di lalamya-lamya't baka mabaog
sistemang bulok ay dapat madurog
nang bagong bukas ang ating mahubog

Kamatis na Bulok Para sa Trapo

KAMATIS NA BULOK PARA SA TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

nalalapit na naman ang sunod na halalan
at tatakbong muli ang mga trapong gahaman
mangangamoy bulok muli ang pamahalaan
pag mga trapong bulok ang nanalong tuluyan

bakit ba sa mga trapo tayo'y nagtitiis
di ba't sa katungkulan sila'y nagmamalabis
at inaatupag lagi'y sariling interes
aba'y batuhin sila ng bulok na kamatis

pag merong bulok na kamatis sa isang kaing
agad iyong tinatanggal baka makalalin
tulad sa gobyerno, pag nanalo'y bulok pa rin
aba'y kumilos agad tayo't sila'y tanggalin

bulok na kamatis pag binato sa kanila
ay simbolo ng galit ng masang nagprotesta
dahil bulok yaong palakad nila't sistema
trapo'y sadyang bulok na kamatis ang kapara

kaya kung nais nati'y totoong pagbabago
ay huwag nating paupuin ang mga trapo
bulok na kamatis sa mukha nila'y ibato
baka sakaling matauhan ang mga ito

* makalalin - tagalog-Batangas sa makahawa