Linggo, Mayo 30, 2021

Bukas na'y world No Tobacco Day

BUKAS NA'Y WORLD NO TOBACCO DAY

'Day, bukas na'y world No Tobacco Day, paalala lang
lalo't kayrami kong tanong na dapat matugunan
maraming nagyoyosi, upos nama'y naglutangan
sa sapa, ilog, lawa, at laot ng karagatan

mareresiklo pa ba ang upos na nagsumiksik
sa mga bahura't tangrib? sadyang kahindik-hindik!
lalo kung basurang ito'y magiging microplastic
na kakainin ng mga isdang di makahibik

habang kakainin natin ang mga isdang iyan
at microplastic ay mapupunta sa ating tiyan
dahil sa upos ng yosing tinapon ay kung saan lang
wala bang magawa sa upos ang pamahalaan?

hanggang paunawa lang bang "Bawal Manigarilyo"?
habang sa upos ay walang nagagawa ang tao?
anong gagawin sa upos? pag-isipang totoo!
ang mga hibla ba ng upos ay mareresiklo?

kung nagagawang lubid iyang hibla ng abaka
at kung nagagawang barong iyang hibla ng pinya
sa hibla ng upos baka tayo'y may magawa pa
upang di lang ito maglipana bilang basura

'Day, bukas na'y World No Tobacco Day, anong gagawin?
magdiwang, magprograma, katubigan ba'y linisin?
sapat ba ang magrali basta may tutuligsain?
o may kongkretong aksyon sa upos na dapat gawin?

- gregoriovbituinjr.05.30.2021

* litratong kuha ng makatang gala habang nakasakay sa isang dyip

Samahang Engels at Kalikasan

SAMAHANG ENGELS AT KALIKASAN

nais kong magtatag ng pangkalikasang samahan
na Dialectics of Nature ni Engels ang batayan
papangalanang Samahang Engels at Kalikasan
na tututok sa mga isyu ng kapaligiran

pag-aaralang mabuti ang kanyang buong akda
at isasalin ko rin ito sa sariling wika
upang ito'y madaling maunawaan ng madla
na dagdag sa habangbuhay kong misyon at adhika

mag-organisa pa lang ng samahan ay mahirap
ngunit dapat simulan nang maabot ang pangarap
ngunit dapat magturo't mga dukha'y makausap
at mga aral ni Engels ay maipalaganap

sa Earth Day at World Environment Day, kami'y sasama
sa mga pagkilos para rito'y makikiisa
at itataguyod ang aral ni Engels sa masa
baka makatulong din sa pagbago ng sistema

Dialectics of Nature ni Engels ay gawing gabay
ng bagong samahang may layon at adhikang lantay
sa panahon niya'y di ito nalathalang tunay
kundi ilang taon nang malaon na siyang patay

dapat kumilos upang magtagumpay sa layunin
dagdag pa'y susulat ng pahayag at lathalain
magpapatatak ng tshirt na aming susuutin
ah, Dialectics of Nature ay iyo ring aralin

- gregoriovbituinjr.
05.30.2021

Ang pangarap

nakakagutom ang katarungan
kaya dapat matutong lumaban
upang makamit ang inaasam:
pantay at parehas na lipunan

malupit ang kawalang hustisya
lalo na sa karaniwang masa
sadyang nangwawasak ng pandama
ang dulot ng bulok na sistema

ang mga dukha'y binubusabos
lalo't buhay nga'y kalunos-lunos
sahod ng manggagawa pa'y kapos
tiis-tiis lang, makakaraos

anong dahilan ng mga ito
may tao ba talagang demonyo
o dahil pag-aari'y pribado
kaya maraming hirap sa mundo

ah, kailangan nating magsuri
bakit may burgesya't naghahari
dahil sa pribadong pag-aari
sumulpot ang interes at uri

nakikita na ang kasagutan
bakit sa mundo'y may kahirapan
kung susuriin ang kalagayan
ng pamayanan, bansa't lipunan

pribadong pag-aari'y pawiin
yaman ng lipunan ay tipunin
ipamahaging pantay-pantay din
upang ang lahat ay makakain

kahit isa'y walang maiiwan
kamtin ang hustisyang panlipunan
at ating itatayong tuluyan
ay isang makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.05.30.2021

Salamat sa mga unyon

SALAMAT SA MGA UNYON

salamat sa mga unyon
manggagawa'y nagsibangon
nang tuluyang magkaroon
nitong pagbabagong layon

pagkilos nang sama-sama
ay nagawa't kinakaya
upang kamtin naman nila
ang panlipunang hustisya

sahod ay bayarang wasto
walong oras na trabaho
karapatan, unyonismo
katarungan, makatao

ngunit marami pang hamon:
pagkat kontraktwalisasyon
sa obrero'y lumalamon
ang wakasan ito'y misyon

- gregoriovbituinjr.

* litrato mula sa google

Sa minsan kong paglalakbay

aking pasya'y lakbayin ang iyong mga pahina
kahit plumang tangan ay halos mawalan ng tinta
sa kalooban ay binibigyan kitang halaga
pagkat batid kong sa iyo'y mayroon pang pag-asa

narito akong mandirigmang sa iyo'y lulusob
halukipkip ang iwing hangaring sadyang marubdob
upang mailabas ang lahat ng nasasaloob
at iyang kinalalagyan mo'y tuluyang makubkob

sa unang kabanata pa lang ay nararahuyo
matiyagang tinatahak ang samutsaring yugto
ang hanap kong maninibasib ay tila naglaho
habang sa paggalugad ay naritong di huminto

ang ikalawang kabanata'y di matapos-tapos
tila ba kung saan ay lagi akong humahangos
upang iwasan lamang ang mga kalunos-lunos
na sa puso'y sumiklab, na sa balat ko'y lumapnos

hanggang tahakin pa ang iba't ibang kabanata
nailagan ang palaso ng bunying mandirigma
ngunit nakaliligalig ang unos at pagbaha
habang mga nasalanta'y sadyang kaawa-awa

- gregoriovbituinjr.05.30.2021