Martes, Setyembre 29, 2015

Pagkalunod

PAGKALUNOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

dama ang pagkalunod sa pagkabigo't dismaya
iluha ko man ay bato'y may magagawa pa ba
puso'y sinusurot ng pagkaalpas ng biyaya
pagkasawing biglang datal ay makakayanan ba

pagkalunod na di makasisid, di ko mawari
kampay ng kampay, kamalayan ko'y di manauli
tuliro, di nagbunga ang inihasik na binhi
bigo sa pinaghandaang pagbabakasakali

nagpapalakas lang ng loob yaong umaasa
na ako'y makakasáma rin sa mga kasama
bantulot na'y dapat pa ring gawin anumang kaya
pulos bakasakaling magtagumpay na't sumaya

tubig ay nalalagok habang nais makaahon
nilulunggating pangarap ay wala pa ring tugon
kung mabibigo sa ikalawang pagkakataon
panahon nang lumayo't bagtasin ang mga alon

Di sumusuko ang tulad kong mandirigma

DI SUMUSUKO ANG TULAD KONG MANDIRIGMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

di sumusuko ang tulad kong mandirigma
sa mga labanang di basta humuhupa
di sumusuko kahit puso'y lumuluha
pagkat di matupad ang anumang panata

durog man ang dibdib sa unang pagkagapi
na nag-iisang puso'y tila hinahati
pagbutihin ang ikalawa't ipagwagi
lalo nang masakit ang muling pagkasawi

kakaunti lamang naman ang inaamot
ngunit bakit sa amin ipinagdaramot
nawa'y magkabisa ang lunas na iabot
at sa mga nauna'y dumugtong, umabot

kailangang umigpaw ang bawat sandali
ng aming adhika't pagbabakasakali
sa sitwasyong ito'y di dapat malugami
ang di sumusuko'y maaaring magwagi

Sa talampas ng digma

SA TALAMPAS NG DIGMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kayrami nang digmaang dama ko'y siphayo
ngunit mandirigma'y di dapat sumusuko
subalit kung daloy ay pulos pagkabigo
tinahak kaya'y mali't dugo'y nabububo

dapat lumaban hangga't may pagkakataon
suriin ang masalimuot na sitwasyon
batid ang hugis: bilog, parihaba, kahon
at wastong direksyon ay tuluyang matunton

mandirigmang sa labanan ay kumakasa
iniisip sa tuwina'y wastong taktika
upang sa pader ay di ka maibalandra
ng mga suliraning di mo uboskaya

malasado man ito'y gawin mo ang dapat
tulad ng pag-iihaw sa apoy na sapat
baka dumatal ang problemang di masukat
at nariyan ang kalabang di madalumat

huwag kang mauhaw sa tagay ng lambanog
sa takipsilim man, di ka dapat lumubog
may mga suliraning di ka mayuyugyog
pagkat maaakyat din ang anumang tayog

Nabangkô dahil walang lagak sa bangko

NABANGKÔ DAHIL WALANG LAGAK SA BANGKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kumbaga sa basketbol, ako'y naroon sa bangkô
tila di kasali habang kasama'y naglalaro
pagkat wala nang bisa ang nakuha kong pangako
biyaya'y naging bato, adhikain ko'y naglaho

walang dokumentong pampinansya mula sa bangko
dahil noon pa'y di ako naglalagak sa bangko
wala naman kasing sapat na ilagak sa bangko
tingin ko'y mayaman lang ang may patago sa bangko

kailangan pala ito sa ating kairalan
dito umiinog ang kapitalistang lipunan
kahit sa pagkuha ng visa ito'y kailangan
pag wala ka nito'y kakawawain kang tuluyan

mahirap na laging bangkô ang isang manlalaro
putol ang mga galamay, sa apoy napapaso
animo'y tuod na ang kapara'y putok sa buho
kahit salingpusa'y di kasali, kawawang dungo

Paano ba tatalab ang walang bisa

PAANO BA TATALAB ANG WALANG BISA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

minsan dumatal ang pangarap sa kandungan
walang bisa pa rin at walang katiyakan
tumatalab lamang doon sa panagimpan
na nangungusap sa diwatang paraluman

ako ba'y isinumpa't di man lang tumalab
ang lunas sa suliraning naglalagablab
di ko pa madalumat anong nag-aalab
bakit walang bisa ang bisang di masunggab

ang tala sa langit ba'y aking masusungkit
upang dumatal din sa lalandasing pilit
gagawin ang kaya, lansangan man ay pagkit
at marating ang pangarap na sinasambit

ngunit dapat magwagi sa labang susunod
mag-isip muna, di dapat sugod ng sugod
baka sa ikalawa'y tuluyang malunod
baka pinaghirapan sa sigwa'y maanod

tatalab lamang kung may birtud na mabisa
tulad ng puso ng saging na di nawala
naisubo't mga maligno'y nangahupa
pagkat may bisa ang mga nagsipaghanda