Lunes, Oktubre 26, 2020

Walang kumot sa pagtulog

pinagkukumot ako ni misis sa lalawigan
talagang ako'y laging pinaaalalahanan
ganyan ang pagmamahal, sadyang di matatawaran
magkasama sa kutson, may kumot pa kami't unan

subalit balik sa dati nang bumalik sa lungsod
hihiga sa silyang kahoy, walang unan at kumot
tila mandirigmang kung saan-saan napalaot
aba'y pag inantok na'y nakahubad pang matulog

kaysarap kasing umidlip sa papag man o sahig
kaysarap kasing humimbing pag nahiga sa banig
di gaya sa kutsong malambot na tila ligalig
di pa sanay magkumot sa lugar mang anong lamig

sanay mang humiga sa papag ng buong pagsinta,
kung saan mapasandal, pipikit at tutulog na
gayunman, huwag balewalain ang paalala
tandaang lagi ang bilin ni misis, "Magkumot ka!"

- gregoriovbituinjr.

Sibaka't TaKam sa agahan

SiBaKa - sibuyas, bawang, kamatis ang agahan
kasabay ng TaKam o talbos ng kamote naman
pawang pampatibay pa ng resistenya't katawan
aba'y nakabubusog din lalo't iyong matikman

itong SiBaKa'y ginayat ko't hilaw na kinain
habang TaKam naman ay isinapaw ko sa kanin
sinasanay ko ang katawan sa mga gulayin
mura lang at maaari mo pa itong itanim

bawasan na ang karne, ito ang aking prinsipyo
maging vegetarian ka rin minsan man sa buhay mo
maging budgetarian din, badyetin mo ang kain mo
magtipid man tayo, sa kalusugan ay seryoso

SiBaKa't TaKam sa agahan, magandang ideya
mga lunas pa ito sa sakit na nadarama
tara, simulan nating magTaKam at magSiBaKa
upang lumakas at tumindi rin ang resistensya

- gregoriovbituinjr.