Biyernes, Mayo 7, 2010

Mensahe sa Praning

MENSAHE SA PRANING
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

astig ka pala't hari ng lansangan
sa kapwa tao'y isang lapastangan
bakit ka ba naging isang sukaban
at dukha'y hinahamak mong tuluyan

pulos droga ang iyong pinuhunan
sinisira mo pati kabataan
inaapi pati kababaihan
krimen ang iyong pinagbibidahan

nasa utak lagi'y pagpapayaman
kahit na mangyurak ng karapatan
bawat negosyo'y dapat pagtubuan
kahit ang kapwa'y pinagtutubuan

langit ba ang iyong pinanggalingan
kaya kapwa'y pinagmamataasan
ari mo pala'y laksang kayamanan
madadala mo ba sa langit iyan

kung di ka nagmula sa kalangitan
impyerno ba ang iyong pinagmulan
kaya mahilig pagsamantalahan
ang iyong kapwa't mga kababayan

payo ko'y magbago ka ng tuluyan
upang kapwa mo'y di mo sinasaktan
kundi'y lalaban kami ng sabayan
upang kagaguhan mo'y mapigilan

Maghanda Nang Di Mapahiya

MAGHANDA NANG DI MAPAHIYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

ang mga taong hindi handa
kadalasang napapahiya
nanginginig ang puso't diwa
kaya uuwing lumuluha

tila sila napariwara
pati pagkatao'y nawala
pakiramdam nila'y kawawa
sa mata ng naroong madla

kaya sa susunod, maghanda
nang hindi naman mabibigla
mahirap muling mapahiya
at baka lalong matulala