Linggo, Agosto 29, 2021

Pakikiisa sa laban ng health workers

PAKIKIISA SA LABAN NG HEALTH WORKERS

sa mga health workers kami'y sadyang nakikiisa
sa isyu nila, sampu ng aking mga kasama
upang itaguyod ang mga kapakanan nila
at kami'y sasama sa kanilang kilos-protesta

ipakita ang matagal na nilang mga hinaing
na ibigay na ang benepisyo nila, gayundin
ang hazard pay nila, allowance para sa pagkain
tirahan, transportasyon, special risk allowance din

anang ulat, nakaraang taon pa hinihintay
ng kanilang benepisyo't allowance na'y ibigay
labing-isang bilyong piso ang kabayarang pakay
sa mga health workers na di pa nabayarang tunay

sobra-sobrang trabaho, kayliit naman ng sweldo
at ngayon, di pa naibibigay ang benepisyo
at allowance kaya protesta na ang mga ito
kinauukulan sana'y tugunan na ang isyu

bagamat di man health workers, nakikiisa kami
sa kanilang kilos-protesta't sasama sa rali
kanilang laban ay aming laban, kami'y kasali
upang laban nila'y ipagwagi hanggang sa huli

- gregoriovbituinjr.
08.29.2021

* litrato mula sa editoryal ng pahayagang PangMasa, Agosto 29, 2021, pahina 3

Sa ika-91 anibersaryo ng Bantayog ni Bonifacio sa Caloocan


SA IKA-91 ANIBERSARYO NG BANTAYOG NI BONIFACIO SA CALOOCAN

taos-pagpupugay ngayong Buwan ng Kasaysayan
na Bantayog ni Bonifacio'y ipagparangalan
inspirasyon ng pakikibaka't paninindigan
upang mapalaya ang bayan sa mga dayuhan

nagpasa ng batas noon itong Lehislatura
na isang pambansang bantayog ay maitayo na
sa kabayanihan ni Bonifacio'y paalala
hinggil dito'y maitayo ang isang istruktura

isang lupon ang tinayo para sa paligsahan
upang bantayog ni Bonifacio'y mapasimulan
magandang disenyo't simbolo ng kabayanihan
ni Gat Andres na namuno noon sa himagsikan

Mil Nwebe Syentos Trenta, Bente-Nwebe ng Agosto
nang mapili'y disenyo ni Guillermo Tolentino
upang maitayo ang Bantayog ni Bonifacio
sa Caloocan na kilala ngayong Monumento

abot apatnapu't limang talampakan ang pilon
limang parte'y limang aspekto ng K.K.K. noon
ang base'y mga pigura hinggil sa rebolusyon
walong probinsyang bumaka'y simbolo ng oktagon

ngayong Agosto Bente Nwebe'y nagpupugay sadya
kay Guillermo Tolentino sa monumentong likha
inspirasyon at kasaysayan sa madla'y nagawa
bilang paalaala kay Bonifaciong dakila

- gregoriovbituinjr.
08.29.2021

Mga Pinaghalawan:
Pampletong "Andres Bonifacio: Buhay at Pakikibaka" na inilathala ng LKP, PAIS at EILER, pahina 47
https://www.pressreader.com/philippines/manila-bulletin/20151130/281779923044961
https://web.facebook.com/pinoyhistory/photos/the-bonifacio-monument-or-monumento-is-a-memorial-monument-designed-by-national-/395411887336520/?_rdc=1&_rdr

Walis

WALIS

walis tambo't walis tingting ay ating nakagisnan
ginagamit upang linisan ang kapaligiran
walis tambo'y ginagamit sa loob ng tahanan
habang walis tingting naman sa labas ng bakuran

parehong walis, magkaiba ng gawa't disenyo
kapwa panlinis ng dumi't alikabok sa inyo
maaari ring gamiting pamalo o pambambo
ni nanay sa mga makukulit na kagaya ko

tambo'y matigas na damo o Phragmites vulgaria
dahon ay tuwid at magaspang at tumataas pa
ng metrong tatlo't kalahati, nasaliksik ko pa
na tingting naman yaong tadyang ng dahon ng palma

mula sa kalikasan ang walis na nagagamit
upang luminis ang paligid natin kahit saglit
panlinis ng basura't tuyong dahon sa paligid
sa anumang agiw sa bahay at diwa'y panlinis

gamit ng ninuno't naukit na sa kasaysayan
nakapaloob din sa samutsaring panitikan
walis tingting sa kwento'y sasakyan ng mangkukulam
walis tambo'y pambambo sa kwentong katatawanan

walis tingting sa kasabihan ay pagkakaisa
walis na gumagawa'y katutubo't magsasaka
matiyagang nilikha upang kanilang ibenta
ng mura basta makakain lamang ang pamilya

- gregoriovbituinjr.
08.29.2021