Sabado, Marso 1, 2014

Ang Pebrero ng lumbay

ANG PEBRERO NG LUMBAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

malungkot ang Pebrero / nitong mga pangarap
pagkat walang pag-ibig / na muling nagpamulat
sa pusong tigang, tila / pinanawan ng galak
upang sa isang dilag / ay muling magpasiklab

aking inaabangan / ang ngiting sakdal-ganda
na sa iwi kong puso'y / laging humaharana
tila ako bayaning / kahit sanlibong bala
ay haharapin basta't / masilayan lamang siya

ah, kailan darating / ang wagas na pag-ibig
panahon kaya yaong / magbibigkis nang pilit
upang puso ng dilag / ay akin nang masungkit
upang dilag na iyon / ay aking makaniig

musa nitong damdamin, / pangarap kong diwata
yaring puso'y maysakit, / baka ito'y lumubha
nawa'y iyong pakinggan / ang pusong lumuluha
nais ko sa Pebrerong / ito'y ligaya't tuwa

malungkot ang Pebrerong / dumudurog sa puso
ramdam kong buong ako'y / sakbibi ng siphayo
nasaan ang diwatang / pangarap na masuyo
marahil ay naroon / sa puso kong nagdugo