sa pagkawala mo, masa'y napuno ng hinagpis
nawala kang human rights defenders ay tinitiris
nawala kang karapatang pantao'y tinutugis
nawala kang panibagong diktadura'y kaybangis
ngunit narito kaming saludo sa'yo, Sister Cres
sa isyu ng hustisyang panlipunan, nariyan ka
kasama sa maraming isyu't paglaban ng masa
madre kang matapang ding lumaban sa diktadura
para sa karapatan, patuloy na nakibaka
upang kamtin ng bayan ang panlipunang hustisya
sa T.F.D.P. ay naging matatag kang pangulo
sa AFAD, FIND, P.M.P.I., kaisa kang totoo
nais mo'y isang mundong walang desaparecido
sa IDefend, at ibang samahan, kasama kayo
sadyang isa kang moog ng karapatang pantao
bilang madre'y napakaganda ng iyong nilayon
sa nawalan ng hustisya, ikaw ay pumaroon
hanggang karapatan ng api'y iyong ibinangon
nariyan kang sa marami'y nagsilbing inspirasyon
isinagawa mong matagumpay ang iyong misyon
maraming salamat, Sister Cres, sa buhay mong alay
itinuro mo sa amin ay magsisilbing gabay
mga halimbawa mo'y inspirasyon at patnubay
sa panahong binigay mo, mabuhay ka, mabuhay
kaya sa iyo, kami'y taos-pusong nagpupugay
- gregbituinjr.,05/20/2019
* binasa sa programang parangal para kay Sis. Cres, na pinangunahan ng Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) sa AVR ng St. Joseph's College, Lungsod Quezon, Mayo 20, 2019