Huwebes, Hulyo 24, 2025

Di lang ulan ang sanhi ng baha

DI LANG ULAN ANG SANHI NG BAHA

natanto ko ang katotohanang
di lang pala sa dami ng ulan
kaya nagbabaha sa lansangan
kundi barado na ang daanan

ng tubig, mga kanal, imburnal
basura'y nagbarahang kaytagal
nang dahil sa ating mga asal
pagyayaring nakatitigagal

MMDA ay nakakolekta
ng animnaraang tonelada
ng samutsaring mga basura
magmula sa Tripa de Gallina

isang malaking pumping station
sa Lungsod Pasay, kaya ganoon
dapat talagang linisin iyon
tayo'y ayusin ang tinatapon

kapag mga ganyan ay barado
ang katubigan lalo't bumagyo
ay walang lalabasang totoo
di ba? kaya babahain tayo

panahon namang gawin ang dapat
basura'y huwag basta ikalat
maging responsable na ang lahat
lansangan ay huwag gawing dagat

- gregoriovbituinjr.
07.24.2025

* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa at Bulgar, Hulyo 24, 2025, pahina 2

Ombudsman

OMBUSDMAN

opisyales na tinalaga ng pamahalaan
nag-iimbestiga ng reklamo ng mamamayan
laban sa pampublikong ahensya o institusyon
o anumang salungat sa batas o regulasyon

dulugan siya upang dinggin ang katotohanan
dapat malayang mag-isip, walang kinikilingan
susuriin ang anumang natanggap na reklamo
kung di matwid, di patas, may diskriminasyon ito

gagawa naman ang Ombudsman ng rekomendasyon
upang reklamo'y matugunan, gagawa ng aksyon
aba'y ang tungkulin ng Ombudsman pala'y kaybigat
dapat matalaga rito'y magsilbing buong tapat

dapat siya'y may integridad lalo't mang-uusig
ng tiwaling nanunungkulan, di maliligalig
tulad ng sinabi ni Conchita Carpio-Morales,
dating Ombudsman, pati pagkatao ay malinis

indipendiyente at di tuta ng nagtalaga
sinumang makapangyarihan, maging pangulo pa
katarungan sa mga api, di sa malalakas
pamantayan ay batas, hustisya, parehas, patas

- gregoriovbituinjr.
07.24.2025

* litrato mula sa News5

Dante at Emong

DANTE AT EMONG

kapwa malakas daw sina Emong at Dante
tulad ba ng boksing nina Baste at Torre
aba'y katatapos lang ng Pacquiao at Barrios
may boksing na naman ba? o ito na'y unos?

halina't paghandaan, mga kababayan
at tayo'y huwag maging tagapanood lang
kung sinong malakas o kung sinong magaling
baha na ang maraming lugar at kaylalim

kayrami ngang sa boksing ay magkakalaban
sina Torre at Baste pa'y magsusuntukan
buti sina BBM at Trump, tila bati
habang sa taripa, ating bayan ay lugi

di magsusuntukan sina Dante at Emong
sila'y mga bagyong sa Pinas sumusulong
climate change na ito, nagbabago ang klima
climate emergency, ideklara! ngayon na!

- gregoriovbituinjr.
07.24.2025

* litrato ay tampok na balita (headline) sa pahayagang Pang-Masa, Hulyo 24, 2025

Relief goods

RELIEF GOODS

mahilig pa rin talagang mang-asar
si Kimpoy ng Barangay Mambubulgar
kadalasan, komiks ay pagbibiro
ngunit may pagsusuri ring kahalo:

nagtanong ang anak sa kanyang ina
relief goods na mula taga-gobyerno
ay ubos na raw ba? sagot sa kanya
bigay ba nila'y tatagal? tingin mo?

saan aabot ang sangkilong bigas
sa atin lang, kulang na sa maghapon
at ang dalawang lata ng sardinas
isa'y ginisa, isa'y agad lamon

mahalaga'y mayroon, kaysa wala
at isang araw nati'y nakaraos
di tayo nganga, bagamat tulala
saan kukunin ang sunod na gastos

ang mga nagre-relief ay may plano
ilan ang bibigyan, pagkakasyahin
at kung nabigyan ka, salamat dito
kahit papaano'y may lalamunin

subalit kung tiwali ang nagbigay
nitong sangkilong bigas at sardinas
baka wala tayong kamalay-malay
yaong para sa atin na'y may bawas

- gregoriovbituinjr.
07.24.2025

* litrato mula sa pahayagang Bulgar, Hulyo 24, 2025, pahina 3