Biyernes, Pebrero 3, 2023

Pagpapatalas

PAGPAPATALAS

magbasa upang tumalas pa
ang kaalaman sa tuwina
lalo na sa literatura
upang mawala ang pangamba

mabuti nang may kaalaman
kaysa wala kang nalalaman
at sa paksa'y di maubusan
paksang nasa kapaligiran

magbasa't ang mata'y igala
titigan ang mga salita
namnamin ang mga kataga
nang di rin mapaso ang dila

parang punyal, pinatatalas
baka salita'y naglalandas
na parang dugong tumatagas
buti kung nagbibigay-lunas

baka sa iyong mga tanong
ay may landas kang sinusuong
sakaling sa aklat magkanlong
baka mahasa pa't dumunong

pagbabasa'y larangang turing
at masusuri rin ang kawing
upang yaring diwa'y magising
mula sa pagkakagupiling

- gregoriovbituinjr.
02.03.2023

Wari sa di mawari

WARI SA DI MAWARI

sa may liblib na pook
may haring nakaluklok
na kung umasta'y hayok
tingin sa masa'y ugok

bakit may naghahari?
panginoon ng uri?
at diyos na pinili?
bakit mapang-aglahi?

dapat nang mawakasan
ang ganyang kalagayan:
paghahari ng ilan
sa kapwa't mamamayan

kahit sa bawat tula,
sanaysay, kwento't dula
sila'y burahing sadya
pagkat mga kuhila

bakit may mayayaman?
laksa'y nahihirapan?
bakit kubkob ang yaman
nitong buong lipunan?

kalabisan na ito!
kailan matututo
na ang sistemang ito'y
kakalusing totoo!

- gregoriovbituinjr.
02.03.2023

Pambihirang pagkakataon

PAMBIHIRANG PAGKAKATAON

bihira ang nabibigyang / pagkakataong bumaka
upang tuluyang palitan / iyang bulok na sistema
mabuti't sa akin noon / ay mayroong nag-anyaya
maging kasapi ng unyon, / hanggang maging unyonista

may plano akong tumakbo/ bilang pangulo ng unyon
subalit aking tiyuhin / ay agad napigil iyon
assistant manager siya / sa kawaksing institusyon
nang matunugan ay agad / ang tindi niyang reaksyon

at bago ko maipasa / ang aking pagkandidato
ay sinundo ng kasamang / doon din nagtatrabaho
pinatatawag daw ako / nitong butihin kong tiyo
kinausap, pinakain, / at pinatagay pa ako

ako'y talagang nilasing / hanggang sa kinabukasan
di na naabot ang deadline / noong papel sa pasahan
ng aking kandidaturang / sa aking buhay ay minsan
lang mangyari kaya ako'y / lubos na nanghihinayang

at tatlong taon matapos / sa pinagtatrabahuhan
sa pabrika't katrabaho'y / talaga nang nagpaalam
may separation pay naman / matapos ang isang buwan
at muli akong nag-aral / ng kurso sa pamantasan

at doon ko naramdaman / ang isang bagong simula
sa panulatang pangkampus / ay nag-aambag ng akda
naging kasapi ng dyaryo't / nagsulat ng kwento't tula
naging features literary / editor, kaysayang sadya

hanggang aking makilala / sa pahayagang pangkampus
ilang mga aktibistang / katulad ko rin ay kapos
pinakilala ang grupo / nila't tinanggap kong lubos
niyakap ang aktibismo, / kolehiyo'y di natapos

umalis sa paaralan / at nakiisa sa dukha
nang maging organisador / ay nakibaka ring lubha
at minsan ding naging staff / ng grupo ng manggagawa
nag-sekretaryo heneral / ng samahang maralita

sumulat at nag-layout din / sa pahayagang Obrero,
Taliba ng Maralita, / Ang Masa't iba pang dyaryo
at naging propagandista / ng tinanganang prinsipyo
upang matayo ang asam / na lipunang makatao

nasubok ang katatagan, / maraming isyu'y inaral
minsan ding nakulong dahil / sa gawaing pulitikal
tatlong dekada nang higit, / dito na ako tumagal
hiling ko lang pag namatay, / alayan din ng parangal

- gregoriovbituinjr.
02.03.2023