Huwebes, Hulyo 27, 2017

Mga larawan ng kamatayan

MGA LARAWAN NG KAMATAYAN

naglalabanan noon ang mga sadyang bihasa
pawang gladyador, mga napiit na mandirigma
nakikipaglaban nang manonood ay matuwa
at makamit ang kanilang minimithing paglaya

naganap ang mga iyon sa sinaunang Roma
na pininta sa kambas ng sikat na Juan Luna
yaong mga natalo't napaslang na'y hinihila
ililibing kung saan habang iba'y nagsasaya

animo'y guniguning nagbalik ang kanyang pinta
sa paglalarawan ng isang Christopher Zamora
tila ba parak ang sa mga bangkay humihila
ang isang pinaslang sa gilid ay may karatula

ikalwa'y naganap sa panahong kasalukuyan
kung saan dukha'y itinuring na parang ipis lang
walang proseso, biktima ng tokbang (tok-tok-bang-bang)
di na nililitis kung talagang may kasalanan

dalawang larawan iyong animo'y magkakambal
larawan ng mga pangyayaring karumal-dumal
tila ba iyon ay katuwaan ng mga hangal
na tila buhay ng tao'y kapara ng animal

- gregbituinjr.
Spolarium - Guhit ni Juan Luna, 1884
Guhit ni Christopher Zamora ng Manila Today, 2017