Miyerkules, Oktubre 15, 2014

Basang-basa sa ulan

BASANG-BASA SA ULAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod 

heto kami, basang-basa sa ulan
naglalakad, walang masisilungan
patuloy na tinatahak ang daan 
kahit ang nilalandas na'y putikan

pag-ulan bang ito'y masalimuot?
at tilamsik nito'y nakatatakot?
daan ay maputik, saan susuot?
nasa diwa'y paano na lulusot?

di inalala ang patak ng tubig
nasa gunita'y naiwang pag-ibig
maigi pang pagsinta ang idilig 
sa mga layuning nakaaantig

nakakapote kami't nakapayong
habang ulan naman ay sinusuong
at sa taumbayan ay sinusulong 
ang misyong sa balikat nakapatong

ipaglaban ang pangklimang hustisya 
dito'y pakilusin natin ang masa
pagkakaisa nati'y mahalaga
sa pagharap sa nagbabagong klima 

- Ragay National Agricultural and Fisheries School, Liboro, Ragay, Camarines Sur, Oktubre 15, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda.

Muntikang disgrasya

MUNTIKANG DISGRASYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

muntikan na kami, oo, muntikan
ragasa, bigla-bigla, sa harapan
biglang nag-overtake ang malaking van
sa bus sa madulas, kurbadang daan
sa kaganapan, kami'y natigilan
agad inapuhap ang kaligtasan
mabuti na lamang, walang nasaktan

dalawang babae'y nasa harapan
pati na ang sa bandila'y may tangan
at sa streamer kami'y apat naman
yaong iba'y nasa aming likuran
nasa likuran din ang kapulisan
sumadsad ang van sa aming kanan
mabuti na lang, di kami nasaktan

ang dalawang babae'y nagyakapan
kami'y kanya-kanya namang takbuhan
saan susuling, kaliwa o kanan
saan tatakbo, di agad malaman
di nakahuma sa kabiglaanan
o, disgrasya, kami'y iyong layuan
maraming salamat, walang nasaktan

yaong van ay agad sinaklolohan
agad na tumulong ang kapulisan
sa kanila'y wala namang nasaktan

at nagpatuloy kami sa lakaran
nawa'y wala nang disgrasyang magdaan
disgrasya nawa'y hindi na dumaan

- nangyari iyon pagkalampas ng Km290, nang ang isang 10-wheeler na van na may plakang UVJ 401 ay mawalan ng preno, bandang 10:20 am, sakop iyon ng Brgy. Comadaycaday, Del Gallego, Camarines Sur, Oktubre 15, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda.