BAKAHIN ANG IMPUNIDAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod
panahon ng ligalig, klima ng impunidad
ililibing na lang ba ang kanilang gunita
sino yaong maysala, sinong dapat maglantad
sa naganap na dahas, sa mga nangawala
sinong mga dinukot at pinaslang sa syudad
sila ba'y aktibista, obrero’t maralita
dahil ba rebolusyon yaong tangkang ilunsad
kaya sila'y dinukot at tuluyang winala
sino ang mga taong mayroong abilidad
na gawin ito't mga pamilya'y pinaluha
sinong nais pumigil sa pagbabagong hangad
ng mga aktibistang ninanasa'y paglaya
pagpaslang, pagkawala, tatak ng impunidad
di mainit na isyu sa pahayaga't madla
mga kaso'y kapara ng pagong sa pag-usad
gayong ito'y isa nang suliraning pambansa
taon nang naghahanap, katarungan ba’y hubad
dangal ang niyurakan, batas ba'y walang bisa
pagkatao’y sinaktan, sa puso na'y sumagad
nasaan ka, hustisya? Ikaw ang aming pita
halina't magkaisa laban sa impunidad
ang puspusang pagbaka'y atin nang isagawa
malawakang kampanya’y gawin nati’t ilunsad
hustisya'y marapat lang angkinin nitong madla
PAG-INOG NG SALIN MULA WIKANG INGLES SA FILIPINO
community - komunidad
electricity - elektrisidad
possibility - posibilidad
facility - pasilidad
ability - abilidad
city - siyudad
nobility - nobilidad
capacity - kapasidad
university - unibersidad
probability - probabilidad
effectivity - epektibidad
impunity - impunidad
Agosto 30 bilang Pandaigdigang Araw ng mga Nangawala (International Day of the Disappeared)
Nobyembre 23 bilang Pandaigdigang Araw Upang Wakasan ang Kultura ng Impunidad (International Day to End Impunity)