Sabado, Marso 22, 2014

Wala nang hininga ang mga puno

WALA NANG HININGA ANG MGA PUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

noon ay nabubuhay sila bilang puno
pahingahan ng ibon sa ilaya't hulo
sa gubat na tahanan ay walang siphayo
bawat puno'y malaya sa lahat ng dako

ngunit ngayon, puno'y nawalang isa-isa
pinagpapalakol, sila'y pinagkukuha
ginawang troso ng mga kapitalista
punong pinaslang, troso nang walang hininga

noon, puno silang nag-aalay ng lilim
at prutas sa mga dumanas ng panimdim
ngayon, mga puno'y dinapuan ng lagim
pinaslang ng mga nakangisi ng lihim

buhay nila'y tinapos, dumating ang sigwa
kayraming nasalanta, kawawa ang madla
walang sumanggalang sa dumatal na baha
mga punong naging troso'y walang nagawa

Ang pusang mandarambong

ANG PUSANG MANDARAMBONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bawat akda'y mulang pawis na tumutulo
at sa utak na sa tuwina'y dumudugo
minsan sa gutom, ako'y bumili ng tuyo
upang ipang-ulam, siya kong iniluto

matapos magluto'y naggayat ng kamatis
sa tuyo't kamatis lang muna nagtitiis
minsan, buhay-maralita'y nakakainis
di makasapol, lagi nang padaplis-daplis

habang naggagayat, pusa pala'y naroon
nang ako'y makalingat, ang tuyo'y dinambong
kaya kutsilyong tangan, naipukol doon
ang nalawayang tuyo'y di ko na malamon

mandarambong na pusa, sige, bumalik ka!
di ka nakiusap, binigyan sana kita
sa nilutong tuyo'y hati kitang dalawa
ngunit buong tuyo'y tinangay mong hudas ka!