Huwebes, Mayo 22, 2008

Bahong Tinatakpan, Aalingasaw Din

BAHONG TINATAKPAN, AALINGASAW DIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Karaniwan na nga pag may nangyari
Mga kalokoha’t mga pang-aapi
Ay itinatago nilang magkakampi
Baho’y tinatakpan ng magkukumpare.

“Ay, wala, di kami,” madalas masabi
Kunwa’y walang alam, walang atubili
Pero tagong krimen, di mananatili
Aalingasaw din ito bandang huli.

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre-Disyembre 2001, p.8.

Pulitikong Balat-Ahas

PULITIKONG BALAT-AHAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Iyo nang binigo itong maliliit
Sa mga pangakong iyong binitiwan
Pati eksploytasyon nitong mga paslit
Pinasok mong pilit, ikaw na gahaman.

Dami mong pangako sa’ting mamamayan
Pulos ka panatang di pala magawa
Sinumpa mo pala’y di katotohanan
Para lang tinahing sanga-sangang dila.

Ikaw’y pulitikong sadyang walang buhay
Pinaasa mo lang kaming mahihirap
Sa mga gawa mo’y sadya kaming nakabantay
Ang gaya mo pala’y sadyang mapagpanggap.

Sa mga tulad mo kami’y nadadala
Sa’yo pala’y wala kaming mapapala.

Pinasa sa LIRA workshop
Nobyembre 24, 2001

Silang mga Manggagawa

SILANG MGA MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(estilong Villanelle)

Silang mga gumagawa ng ekonomya ng bansa
Ay ang mga manggagawang makikitang taas-noo
Lipuna’y pinanday nila, ng kamay na mapagpala.

Una, mailalarawan sa ilang mga kataga
Mga katatagan nila, hirap, mga sakripisyo
Silang mga gumagawa ng ekonomya ng bansa.

Ikalawa, sama-sama tungo sa pagpapalaya
Nang manggagawa’y makamit ang tunay na pagbabago
Lipuna’y pinanday nila, ng kamay na mapagpala.

Ikatlo, tutuparin na ang binitiwang salita
Kikilos ng tuluy-tuloy makikibakang totoo
Silang mga gumagawa ng ekonomya ng bansa.

Ikaapat, sa pagsuri’y di kami namamangha
Ang kanilang mga gawa’y inaayos nilang husto
Lipuna’y pinanday nila, ng kamay na mapagpala.

Progreso nitong lipunan sa kanila’y nakatakda
Sambayana’y di uunlad kung sila ay wala rito
Silang mga gumagawa ng ekonomya ng bansa
Lipuna’y pinanday nila, ng kamay na mapagpala.

Pinasa sa LIRA workshop
Nobyembre 24, 2001