Martes, Hulyo 2, 2019

Tula ng pagbati sa naging guro noong elementarya

maligayang kaarawan sa mahal naming guro
bumabati po kami ng taos mula sa puso
naging gabay po namin ang marami ninyong turo
na sa aming paglandas sa buhay ay di naglaho

Mam Josue, maligayang kaarawan po sa inyo!

* Ipinadalang pagbati sa facebook sa aming guro sa elementarya

Mga ilang tanong lamang

MGA ILANG TANONG LAMANG

sasali ka sa unyon, babantaan ka na?
karapatan ba ang nais mo o giyera?
bilang obrero, di ba't may karapatan ka?
bakit nananakot agad itong kumpanya?

kapitalista ba'y diyos sa pagawaan?
di ba sila gumagalang sa karapatan?
manggagawa ba'y mga robot na utusan?
obrero'y wala bang karapatang lumaban?

sistema sa pabrika'y bulok pag ganito
kapitalista't talaga ngang mga tuso
tinatrato nilang makina ang obrero
tila baga kalabaw na nilalatigo

bakit bituka ng kapitalista'y halang?
bakit naglalaway silang makapanlamang?
bakit kapitalista'y tusong salanggapang?
na karapatan ng obrero'y hinaharang?

sistemang bulok ba'y atin pang naaatim?
para tumubo ng limpak ang mga sakim?
dapat kapitalismo'y ibulid sa dilim
upang mawakasan ang dulot nitong lagim

- gregbituinjr.