Martes, Nobyembre 24, 2020

Tanagà sa unos

TANAGA SA UNOS

1
kinain ng bangungot
ang inaaring lungkot
pag tagbagyo’y bantulot
na sa puso’y kukurot

2
nanagasa ang unos
at kayraming inulos
na pulos mga kapos
at sa buhay hikahos

3
tayo ba’y beterano
ng mga baha’t bagyo
at resilient daw tayo’t
pinupuring totoo

4
pag bagyo’y nanalasa
maghanda na ang masa
kalamidad pagdaka
ay talagang disgrasya

5
pag bagyo’y rumagasa
aba tayo’y maghanda
lalo na’t ang pagbaha
ay talagang malala

6
gawin natin ang dapat
upang masa’y mamulat
upang hindi masilat
ng bagyong bumabanat

* Unang nalathala  sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 16-30, 2020, pahina 20.

Huwag magsindi ng yosi sa kalan

aba'y huwag magsindi ng sigarilyo sa kalan
ito po sa inyo'y munting paalala lang naman
lalo pa't walang niluluto sa kasalukuyan
ang gamitin mo'y lighter o kaya'y posporo na lang

aba'y kaya ngang bumili ng isang kahang yosi
bakit di naman bumili ng sariling panindi
kaymahal ba ng lighter kaysa yosi mong binili
o di na maisip dahil sa yosi nawiwili

baka sabihin mong nauubos lang ay konting gas 
ngunit kung ito'y minu-minuto o oras-oras
paunti-unti, ang gas ay pabawas ng pabawas
maya-maya, wala nang gas pag nagluto ng bigas

kahit ikaw pa ang bumili ng gas, paalala
anumang gamit sa tahanan o sa opisina
ay gamitin mo ng wasto, huwag kang maaksaya
kung tingin mo'y nakikialam ako, pasensya ka

- gregoriovbituinjr.