Linggo, Disyembre 29, 2019

Ubo at antok

ubo pa, ubo, ubo
ito'y isang insulto
pag mga kausap mo
sa pulong ay seryoso

pag may ubo'y kayhirap
lalo na't may kausap
pagkat di mo maharap
lunas tila kay-ilap

panay na ang hikab mo
ito'y isang insulto
pag mga kaharap mo
sa usapan seryoso

antok na di mawala
hikab na nginangawa
natutulog ang diwa
sa pulong nitong dukha

- gregbituinjr.

Pag may karamdaman

sabi ng isang patalastas: "Bawal magkasakit!"
dahil karamdaman madalas nakakabuwisit
pagkat di mo na magawa ang pangako sa paslit
di makatrabaho pag pakiramdam ay mainit

kung may karamdaman: ""Huwag mahihiyang magtanong!"
damang sakit ay itanong sa duktor na marunong
napapaso ang puso sa nadaramang linggatong
di agad malunasan lalo't masakit ang tumbong

kaygandang patalastas ng botikang binilhan ko
sabi: "Nakasisiguro, gamot ay laging bago!"
sigurado bang gaganda ang kalusugang ito?
pag inom ng gamot ba'y hupa ang sakit ng ulo?

uminom ng gamot upang sakit ay malunasan
kumain ng gulay upang lumusog ang katawan
lumagok ng maraming tubig at dapat pawisan
maglakad-lakad upang bumuti ang kalusugan

- gregbituinjr.