Biyernes, Agosto 15, 2008

Dear Alwina

DEAR ALWINA
ni Greg Bituin Jr.
(waluhang pantig bawat taludtod)

Nais kong makaharap ka
Upang aking masilayan
Ang tamis ng iyong ngiting
Papaslang sa kalungkutan.
- Aguiluz

(Kinatha batay sa palabas na Mulawin na ang bida’y sina Alwina at Aguiluz, 2004. Ang gumanap na Alwina ay si Angel Locsin, at si Richard Gutierrez naman ang Aguiluz. Pareho silang taong ibon dito.)

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 3, Taon 2004, p.8.

Tubo ang Itinatahol

TUBO ANG ITINATAHOL

ni Greg Bituin Jr.

(lalabing-isahing pantig bawat taludtod)


Tubo lagi itong itinatahol

Ng mga taong tila nauulol

Pag tubo’y lumiit ay nagmamaktol

At manggagawa itong hinahabol

Ang oras natin ay lubhang ginagahol

Nitong gobyernong sadya yatang bopol

Halinang kumilos, tayo’y tumutol

At ang sambayanan ay ipagtanggol

Laban sa sistemang dapat madedbol.

Pandesal

PANDESAL
ni Greg Bituin Jr.
(waluhang pantig bawat taludtod)

Pagkagising sa umaga
Bibili na ng pandesal
Sa tindahan ni Ka Petra
Ito ang aking almusal.

Palaman ko ay margarin
Kaya malinamnam ito
Para akong nasa bangin
Ng paglayang pangarap ko.

Masarap ang pagkaluto
Ng pandesal na malinggit
Kasalo ko’y kalaguyo
Na para sa’ki’y marikit.

Pandesal ay anong sarap
Langit parang inapuhap.

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo X, Blg 3, Taon 2005, p.8.

Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Berdugo

BERDUGO
ni Greg Bituin Jr.
(animang pantig bawat taludtod)

Siya ang berdugo
Na bahid ng dugo
Hawak ay gatilyo
Dugo’y kumukulo.

Berdugo na siya
Mulang magbinata
Uubusin niya
Sa lipuna’y linta.

Ngunit inilagay
Niya yaong batas
Sa sariling kamay
Na puno ng dahas.

Dapat bang matigil
Ang kanyang pagsingil?

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo X, Blg 3, Taon 2005, p.8.

Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Sa Kuko ng Lawin

SA KUKO NG LAWIN
ni Greg Bituin Jr.
(animang pantig bawat taludtod)

Sa kuko ng lawin
Nais kong umalpas
Ito’y dapat gawin
Upang pumarehas.

Nais kong lumaya
Dapat nang malagot
Itong tanikala
Ng isang bangungot.

Di ba’t tama lamang
Na ako’y mangarap
Nang hindi masayang
Ang buhay sa hirap.

Ito’ng aking layon
Tungong rebolusyon.

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo X, Blg 3, Taon 2005, p.8.

Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).