Miyerkules, Marso 2, 2022

Manggagawa, pangulo ng bansa

MANGGAGAWA, PANGULO NG BANSA

isang bus driver si Pangulong Nicolas Maduro
ng bansang Venezuela, tunay na lider-obrero
guro sa primarya ang sa Peru'y kumandidato
at nanalo, siya si Pangulong Pedro Castillo

obrero sa pabrikang metal, lider-unyonista
yaong pangulo ng Brazil na si Lula da Silva
manggagawa rin ang naging Pangulo ng Bolivia
na si Evo Morales, nakatatlong termino na

ipinanalo ng kanilang mamamayang dukha
at ng kapwa nila mahihirap na manggagawa
di trapo, di elitista ang namuno sa bansa
di kapitalistang mapagsamantala sa madla

totoong lider ang nais ng mga mamamayan
na talagang maglilingkod sa madla't buong bayan
sa atin, tumakbo'y manggagawa sa panguluhan
sa katauhan naman ni Ka Leody de Guzman

bayan ay sawa na sa dinastiya't mga trapo
na nanggaling sa iisang pamilya't apelyido
huwag na sa trapo pagkat dukha'y laging dehado
manggagawa naman ang iboto nating pangulo

- gregoriovbituinjr.
03.02.2022

Mga pinaghalawan:
https://www.nbcnews.com/…/nicolas-maduro-path-bus-driver-ve…
https://www.bbc.com/news/world-latin-america-57941309
https://en.wikipedia.org/wiki/Evo_Morales
https://edition.cnn.com/…/…/lula-da-silva-profile/index.html
https://www.youtube.com/watch?v=QSehQ5sbxBs

Basura'y huwag itapon dito

BASURA'Y HUWAG ITAPON DITO

para daw sa pagpapanatili
ng kalinisan sa buong kampus
pagtatapon ng basura'y hindi
sa kung saan lang, dapat matapos

ang gayong pangit na kaasalan
na kung saan-saan nagtatapon
ng basurang di mo na malaman
batid mo sa paskil anong layon

buong pamantasan kung malinis
ang estudyante'y di mandidiri
sa kapaligirang di malinis
dahil lalangawin ka, kadiri

kung basura'y ilagay sa wasto
pamantasa'y kaiga-igaya
sa karunungan upang matuto
ang mga estudyante'y masaya

iyan ang kahulugan ng paskil
kaya 'yung magtatapon kung saan
ay di lang burara kundi sutil
at kadiri ang kaugalian

- gregoriovbituinjr.
03.02.2022

Huwag magyosi

HUWAG MAGYOSI

pininta sa dyip ang "No Smoking!"
at may "Please" pa, aba'y anong galing!
pakiusap na ito't matining
sa mananakay, tao'y nagising

patakaran sa lupang hinirang
nang kapwa pasahero'y igalang
kung may magyosi sa dyip, malamang
baka may magkasakit na lamang

paano pag nagkasakit tayo
biglang hinika, biglang inubo
babayaran ng nagyosing ito?
ang nagkasakit na pasahero?

salamat at tayo'y sinasagip
mula sa bantang pagkakasakit
buti't hininga'y di na sumikip
dahil sa taong yosi ang hirit

may ismoking erya, doon sila
huwag sa dyip o harap ng masa
ito'y pagrespeto ngang talaga
sa pasaherong tulad din nila

- gregoriovbituinjr.
03.02.2022