Huwebes, Hulyo 25, 2024

Meryendang abukado

MERYENDANG ABUKADO

bigay lang sa amin ang abukado
na nang bata pa'y aking paborito
sa gitna abukado'y hinati ko
binukod muna ang naroong buto

ang laman ay kinayod kong talaga
saka ko nilagay sa aking tasa
kaunting asukal ay nilagay pa
saka aking hinalo ng kutsara

subalit si misis ay di mahilig 
sa prutas, kaya ako ang kumahig
ng abukadong kaytamis, malamig
sa dila't animo'y nakakakilig

marami pong salamat sa nagbigay
at maganda ito sa pagninilay
tila ba tula ko'y nagiging tulay
upang daigdig ay maging makulay

- gregoriovbituinjr.
07.25.2024

Balitang Carina

BALITANG CARINA

tinunghayan ko ang pahayagan
ngayong araw, kaytitinding ulat
ng unos na naganap kahapon

nagbaha ang buong kalunsuran
nilampasan na ang bagyong Ondoy
sa buong pagluha ni Carina

baha sa maraming kabayanan
mga pamilya'y sinaklolohan
dahil nagsilubog ang tahanan

nilikha iyon ng kalikasan
ipinakita ang buong ngitngit
nagngangalit ang klima at langit

climate action na nga'y kailangan
upang matugunan ang naganap
subalit anong gagawing aksyon

makipag-usap sa P.M.C.J.,
K.P.M.L., Sanlakas, B.M.P.,
S.M. ZOTO, CEED, A.P.M.D.D

samahan natin sila sa rali
panawagan: climate emergency
mag-shift sa renewable energy

climate adaptation, mitigation
ipagbawal na ang mga coal plant
pati ang liquified natural gas

kontakin ang Bulig Pilipinas
para sa ating maitutulong
sa mga biktima ni Carina

kailangan ng kongkretong aksyon
para sa sunod na henerasyon
na may ginawa rin tayo ngayon

- gregoriovbituinjr.
07.25.2024

* litrato ay mga headline ng pahayagang Abante Tonite at Pilipino Star Ngayon, Hulyo 25, 2024
* PMCJ (Philippine Movement for Climate Justice)
* KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod)
* BMP (Bukluran ng Manggagawang Pilipino)
* SM-ZOTO (Samahan ng Mamamayan - Zone One Tondo Organization)
* CEED (Center for Energy, Ecology, and Development)
* APMDD (Asian People's Movement on Debt and Development)

Palikero

PALIKERO

bata pa nang salitang palikero'y batid
dahil sa kapitbahay, tatak iyon ng dyip
ang "Palikerong Banal" agad ang naisip
na namamasada noon sa Balic-Balic

salita iyong sagot sa palaisipan
noong una'y di ko agad mawari naman
Babaero: Tatlumpu't Dalawa Pahalang
aba'y Palikero pala ang kasagutan

halos ilang dekada na, gayon katagal
batid ko na ngayon ang Palikerong Banal
salitang magkataliwas, di magkatambal
na kahulugan pala'y Babaerong Banal

salamat sa krosword at tayo'y natututo
ng lumang salita tulad ng Palikero
di ko na nasangguni pa ang diksyunaryo
sapat nang batid, Palikero'y Babaero

- gregoriovbituinjr.
07.25.2024

* krosword mula sa pahayagang Abante Tonite, Hulyo 25, 2024, p.7