Miyerkules, Setyembre 29, 2021

Ang gubat na katabi

ANG GUBAT NA KATABI

pinayagan akong lumabas upang magpainit
kung dati'y pulos kisame, nasilayan ko'y langit
mabuti raw ang init ng araw sa nagkasakit
na bitamina sa katawan kahit man lang saglit

at natitigan kong muli ang gubat na katabi
nitong bahay sa bundok, talagang nakawiwili
wala kasi sa kinalakhang lungsod ang ganiri
mapuno, tila ba mga Mulawin ay narini

nais kong puntahan ang madawag na kagubatan
subalit mag-ingat dahil baka may ahas diyan
na baka iyong maapakan, tuklawin ka niyan
tulad din ng ahas sa lungsod na dapat ilagan

kaysarap masdan ng punong hinahagkan ng ulap
na tila baga kakamtin mo ang pinapangarap
gubat na tahanan ng hayop at ibong mailap
may mga diwata rin kaya roong nangungusap?

- gregoriovbituinjr.
09.29.2021

Unang luto

UNANG LUTO

kayrami nang ginagawa ni misis sa maghapon
siya pa rin bang magluluto ng pagkain ngayon?
maglilinis, maglalaba, patutukain yaong
alagang higit sa apatnapung manok na iyon

oo, nais kong tulungan si misis sa gawaing
bahay, huwag lang mabinat habang nagpapagaling
kanina, sardinas ay sinubukan kong gisahin
sapul magka-covid, iyon ang una kong lutuin

alam kong pagod lagi si misis mag-asikaso
dalawang pamangkin pa'y nasa ospital, hay naku!
kaya pinalalakas ko naman ang sarili ko
basta bilin niya, mag-face mask, alkohol, sundin ko

sa kusina, ginayat ko ang sibuyas at bawang
binuksan ang lata ng sardinas na walang anghang
iginisa ko naman sa kawali, tama namang
iyon ang una kong luto't huli ring gas sa kalan

ginisang sardinas nga'y inulam namin kanina
tapos na rin ang katorse araw kong kwarantina 
datapwat walang swab test na ako'y negatibo na
subalit dapat pa ring mag-ingat, inuubo pa

- gregoriovbituinjr.
09.29.2021

Kinakapos ng hininga

KINAKAPOS NG HININGA

nag-positibo sa covid at nagpapagaling na
ngunit madalas pa ring kinakapos ng hininga
marahil baka kulang pa rin ako sa pahinga
at baka oksiheno ko'y di pa sapat, kulang pa

bago matulog sa gabi'y madalas maramdaman
inom munang tubig hanggang ito'y makatulugan
datapwat sa umaga'y di ko naman ito ramdam
basta lang may handang tubig sa tabi ng higaan

sa oxymeter, higit nobenta ang oksiheno
panay pa rin ang ginagawang pagsusuob dito
biskwit, isda, gulay at prutas ang kinakain ko
umaasa pa ring lalakas at gagaling ako

pampalusog na ulam at masarap pa ang kanin
upang lumakas at ang hininga'y di na kapusin
may talbos ng sayote, kamote, at petsay na rin
o kaya'y isda para sa protina nitong angkin

panay pa rin ang inom ng gamot at bitamina
mag-inhale, mag-exhale, mag-ehersisyo sa umaga
at higit sa lahat, huwag gutumin ang bituka
asam kong di na ako kapusin pa ng hininga

- gregoriovbituinjr.
09.29.2021