Linggo, Mayo 28, 2023

Ang mga awitin ng Sining Dilaab

ANG MGA AWITIN NG SINING DILAAB

ang mga awitin / ng Sining Dilaab
ay talagang dama / at talab na talab
sa puso't diwa ko'y / sadyang nagpaalab
awiting para bang / dyamante't dagitab

magpatuloy tayo / sa pakikibaka
para sa human rights, / para sa hustisya
maraming salamat / sa alay n'yong kanta
para sa obrero, / sa dukha, sa masa

taas-kamao pong / ako'y nagpupugay
sa Sining Dilaab / sa kantang kayhusay
tapik sa balikat / sa di mapalagay
tanging masasabi'y / mabuhay! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
05.28.2023

* ang Sining Dilaab ay grupo ng mang-aawit na nakabase sa Cebu
* ang dilaab ay Cebuano sa liyab, lagablab

Chorizo de Cebu

CHORIZO DE CEBU

inalmusal ko'y Chorizo de Cebu
pagkat ispesyal na putahe ito
kaya agad na ito'y tinikman ko
lalo't pangalwang beses ko lang dito

agad ngang nakahalina sa akin
ang pangalan pa lang nitong pagkain
soriso, ah, mukhang masarap man din
at piniling ito'y matikman ko rin

kinunan muna ito ng litrato
na nakasulat: Chorizo de Cebu
minsan lang kasing mapapunta rito
kaya aking ninamnam ang soriso

aba'y malasa kaysa karaniwan
at tamang-tama pa sa lalamunan
nadama kong nabusog din ang tiyan
pagkat anong sarap, talaga naman

- gregoriovbituinjr.
05.28.2023

* sinulat ng makatang gala sa ikalawa niyang punta sa Cebu

Pagdatal sa Mactan

PAGDATAL SA MACTAN

at nakarating din sa Mactan tangan ang bagahe
buti'y di Japan na kailangan ng pasaporte
dadalo sa asembliya, dapat may masasabi
hinggil sa mga isyung ang dama'y di mapakali

narating ko na rin ang lupain ni Lapulapu
kung saan si Fernando Magallanes ay natalo
ito ang aking ikalawang pagpunta ng Cebu
una'y noong Climate Walk nang pauwi nang totoo

upang daluhan ang malaking asemliya roon
ng mga prinsipyadong karapatan yaong misyon
na pinag-uusapan ang isyung napapanahon
at panawagang hustisya ng namatayan noon

mga isyu ng mga nawalan ng katarungan
at usaping dapat pag-isipan at pag-usapan
na sistema'y babaguhin kung kinakailangan
at hustisyang panlipunan ay ipinaglalaban

- gregoriovbituinjr.
05.28.2023

* litratong kuha ng makatang gala, 05.27.2023