SA ISANG DIGMAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
sa isang digmaan, taktika'y pinag-iisipan
di dapat padalus-dalos sa pasiya't galawan
di dapat sinasalubong agad si Kamatayan
buong estratehiya'y pagninilayang mataman
iisa lang itong buhay, bakit sugod ng sugod?
sa digmaan, mga kasama ba'y di napapagod?
mga layunin ba'y sa digmaan tinataguyod?
o mas pag-usapan ang kapayapaang malugod?