Sabado, Hunyo 25, 2022

Sipat

SIPAT

sinisipat ko sa gunita
yaring niyakap na adhika
noon, nang ako'y magbinata
hanggang ngayong ako'y tumanda

tinatalupan ko ang mangga
nang tikman ang sarap ng lasa
ibigay sa magiging ina
lalo naglilihi pa siya

tayog ay di ko na maarok
marating pa kaya ang tuktok
kaylalim ng mga himutok
ng masa sa sistemang bulok

sa adhika'y di humihindi
maaari mang ikasawi 
ito'y pagbabakasakali
upang laban ay ipagwagi

- gregoriovbituinjr.
06.25.2022

Sa PRS 15

SA PRS 15

taospusong pasalamat
sa Palihang Rogelio Sicat
upang itong aming panulat
ay umunlad, makapagmulat
di nakapikit, kundi dilat

para sa karaniwang tao
para sa kung anong totoo
at sa karapatang pantao
maging sa iba't ibang isyu
sa PRS, kami'y saludo

- gregoriovbituinjr.
06.25.2022

* munting tulang binigkas ng makata sa inihandang palatuntunan bago sila magtapos sa ika-15 PRS (Palihang Rogelio Sicat)