Huwebes, Nobyembre 6, 2025

Ang paalala sa kalsada

ANG PAALALA SA KALSADA

bakit mo tatawirin ang isang lansangan
kung tingin mo'y magdudulot ng kamatayan
mayroon doong babala, sundin lang iyan
pag nabundol ka ba'y kaylaking katangahan?

huwag sayangin ang buhay, dapat mag-ingat
huwag magyabang na malakas ka't maingat
sasakya'y di lata, katawa'y di makunat
bawat babala'y dapat ipagpasalamat

di ba't kaylaking babala nang binasa mo
ang "Bawal Tumawid. May Namatay Na Dito"
madaling intindihin, wikang Filipino
pag di mo unawa, banyaga ka ba rito?

pag babala: "Bawal bumaba", e, di huwag!
pag babala: "Bawal lumiko", e, di huwag!
pag babala: "Bawal tumawid" e, di huwag!
paano pag "Bawal umutot!" anong tawag?

huwag maging tanga, huwag basta tumawid
may tulay naman, dumaan doo'y matuwid
kung nagmamadali ka, dapat mong mabatid
na bawat paalala'y mag-ingat ang hatid

- gregoriovbituinjr
11.06.2025

Upang di masayang ang wi-fi

UPANG DI MASAYANG ANG WI-FI

dahil sa wi-fi, dapat may ma-upload akong tulâ
nang di masayang ang wi-fi na binayarang sadyâ 
buwan-buwan, at kaysaya na kung may nalilikhâ
tula bawat araw, isa, dalawa, tatlo pa ngâ

may tulâ na agad pagmulat sa madaling araw
mula sa napanaginipang gubat na mapanglaw
rumagasâ, bahâ, nakita, nasuri, natanaw
dahil sa wi-fi, mag-upload ay misyong agap-galaw

isusulat, ia-upload yaong tulang nangusap
bakit kaybagal ng hustisya sa mga mahirap
habang may due process sa mga pulitikong korap
dapat makapag-upload, wi-fi ay gamiting ganap

ang tula't wi-fi ang komunikasyon ko't koneksyon
sa daigdig mula paggising, pagmulat, pagbangon
iba't ibang isyu ng masa'y ilantad ang misyon
samutsaring tulâ ng makata'y i-upload ngayon

kayâ wi-fi ay bigyang halaga, isang tungkulin
iyon muna'y bayaran, kaysa bumiling pagkain
kung paano popondohan ito'y pakaisipin 
para sa abang makatang walâ sa toreng garing

- gregoriovbituinjr.
11.06.2025

Paksâ sa madaling araw

PAKSÂ SA MADALING ARAW

ako na'y may tulâ paggising sa madaling araw
kayrami kasing ideyang sa diwa'y nagsilitaw
samutsaring paksâ, gumagalaw, di gumagalaw:
trapik, langgam, pusà, rali, bulalakaw, bakulaw

bato, batugan, basâ, basahan, handâ, handaan
dala, dalag, dalaga, binat, binatà, ginatan
puto, puta, puti, lansa, lansangan, una, unan
talatà, taludtod, taludturan, tugmâ, tugmaan

pag-iisip, pandiwa, paglilimi, pagninilay
paglalakad ng kilo-kilometro, paglalakbay
pakikisama, pagkakaisa, paghihiwalay
saya, hagikhik, libog, nasa, dusa, dukhâ, lumbay

ga, gara, garapa, garapata, kayraming paksâ
kinawat na pondo sa flood control, tao'y binahâ
ilang minutong ulan, nagbabahâ, bumabahâ
bakit mga trapong korap ay naboto pang sadyâ

- gregoriovbituinjr.
11.06.2025