Huwebes, Abril 16, 2020

Preskong umaga

Preskong umaga

sa umaga'y kay-agang gumising
mula sa masarap na paghimbing
lalo't sa iyo'y may naglalambing
na tila bituing nagniningning

salubungin natin ang umaga
na sa puso'y may bagong pag-asa
na sa kabila ng kwarantina
ay di pa rin tayo nagdurusa

lasapin mo ang hanging amihan
damhin sa puso't nakagagaan
kayganda pa nito sa katawan
at nakalilinaw ng isipan

gigising na bandang alas-sais
at sa paligid na'y magwawalis
mag-eehersisyo, maglilinis
at kung may kalat ay mag-iimis

magsasaing na ri't magluluto
ng gulay, itlog, hawot na tuyo
at matapos nito'y maliligo
preskong umaga, walang siphayo

- gregbituinjr.

Magtanim sa latang walang laman

Magtanim sa latang walang laman

halina't kita'y magtanim sa latang walang laman
upang binhi'y di malunod, atin munang butasan
ang ilalim ng lata, nang tubig ay may labasan
saka lagyan ng lupa ang latang ating tatamnan

kaygandang gamitin ang latang di na binasura
kundi ginawang paso, pinagtaniman ng okra
petsay, talong, sitaw, alugbati, munggo, mustasa
magandang ilipat sa malaki kung lumago na

minsan, maging magsasaka tayo kahit sa lungsod
habang simpleng pamumuhay ang itinataguyod
kung kailangan, may mapipitas ka't makakayod
masarap ang may sariling tanim, nakalulugod

- gregbituinjr.

Munting payo para sa kapaligiran

Munting payo para sa kapaligiran

paghiwalayin mo ang basura
sa di mabulok, nabubulok na
bote, plastik at lata sa isa
ang di nabubulok, mabebenta

dahong tuyo at pagkaing panis
ibaon sa lupa't di magtiis
sa amoy, paligid na malinis
ay kayganda, di na maiinis

disiplinahin din ang sarili
pamilya, kaibigan, kaklase
itapon lang ang balat ng kendi
sa basurahan at di sa kalye

ito'y munting payo, kababayan
bansa'y ituring nating tahanan
nang luminis ang kapaligiran
huwag itong gawing basurahan

- gregbituinjr.

Kung may disiplina

Kung may disiplina

kung may disiplina
kalat sa kalsada
na mga basura
ay pulutin muna

ang balat ng kendi
ang plastik sa kalye
nagkalat na bote
huwag lang ang tae

gawin ang marapat
pulutin ang kalat
ngunit mas marapat
huwag kang magkalat

ang masasabi ko
kung nagawa ito
salamat sa iyo
sa munting tulong mo

- gregbituinjr.