Martes, Marso 1, 2022

Kasangga ng manggagawa

KASANGGA NG MANGGAGAWA

kakampi ng trapo o kasangga ng manggagawa?
kakampi ng dilawan o kasangga ng paggawa?
kakampi ba ng gahaman o kasangga ng dukha?
kakampi ba ng kanan o kasangga ng kaliwa?
kakamping kapitalista o kasanggang dalita?

sino bang kakampi at sinong kasangga ng masa
upang tuluyang baguhin ang bulok na sistema
habang ang daigdig ay pinapaikot ng pera
habang kayraming dukha'y patuloy na nagdurusa
pag-aralan ang lipunan at dalang pulitika

bakit hustisya'y pangmayaman, di pantay ang batas
bakit may ilang mayaman, dukha'y laksa, di patas
nais nating lipunang ang palakad ay parehas
ibaba ang presyo ng bilihin, sahod itaas
proseso'y respetuhin, walang basta inuutas

dapat nang magkaroon ng pagbabago sa bayan
baligtarin ang tatsulok, durugin ang gahaman
kaya ang panawagan namin: Manggagawa Naman!
lider-manggagawa ang ilagay sa panguluhan
ang subok na sa pakikibaka'y ipwesto naman

- gregoriovbituinjr.
03.01.2022

Makakalikasan para sa Senado

MAKAKALIKASAN PARA SA SENADO

para sa kalikasan ang dalawa'y tumatakbo
mga environmental advocates silang totoo
halina't tandaan ang pangalang ROY CABONEGRO
at DAVID D'ANGELO, kandidato sa Senado

si Roy Cabonegro ay matagal kong nakasama
sa isyung makakalikasan sa akin humila
Environmental Advocates Students Collective pa
samahan sa iba't ibang pamantasan talaga

si David D'Angelo ay minsan nang napakinggan
nang sa Partido Lakas ng Masa'y naimbitahang
plataporma'y ilahad bilang Senador ng bayan
zoom meeting iyon, tunay siyang makakalikasan

sa pagka-Senador ay atin silang ipagwagi
ang dalawang itong sa kalikasan ay may budhi
at kung maging Senador ay magsisilbing masidhi
sa taumbayan, sa kalikasan, na ating mithi

- gregoriovbituinjr.
03.01.2022

Paglulunsad ng 101 Red Poetry


PAGLULUNSAD NG 101 RED POETRY

ito'y bunsod ng tungkulin
ng makatang aktibista
na ating payayabungin
ang pulang literatura

pulang tula, red poetry
panitikang proletaryo
na sa madla nagsisilbi
tungong asam ng obrero

kandidato'y ipagwagi
sa landas ng kasaysayan
kandidatong makauri
si Ka Leody de Guzman

bilang pangulo ng bansa;
ang kanyang bise pangulo
si Ka Walden Bello na nga
sila'y ating ipanalo

ihalal nating totoo
pati buong line-up nila
at si Ka Luke Espiritu
para senador ng masa

ito ang aming layunin
na idadaan sa tula
itong aming adhikaing
lipunan ng manggagawa

at ngayon inilulunsad
pulang tula, red poetry
mga tulang ilalahad
para kina Ka Leody

tara, mag-ambag ng tula
upang ating payabungin
panitikang manggagawa
na ating pauunlarin

- gregoriovbituinjr.
03.01.2022

Poetry reading schedule:
March 21 - World Poetry Day
April 2 - Balagtas birthday
May 1 - International Labor Day