Lunes, Disyembre 9, 2024

Respeto sa mga babaeng chess players

RESPETO SA MGA BABAENG CHESS PLAYERS

naabutan natin ang labanang Kasparov-Karpov
na talagang bibilib ka sa mga chess grandmasters
nang minsang tinalo ni Judith Polgar si Kasparov
nagbago ang tingin sa kababaihang chess players

babaeng chess players ay nakilala mula noon
pinatunayan nilang chess ay di lang panlalaki
lalo sa mga internasyunal na kumpetisyon
may world chess championship din para sa mga babae

Paikidze-Barnes, Dorsa Derakhshani, Sara Khadem
sila'y mga chess players na nagprotestang mag-hijab
upang maglaro ng chess, bansa nila'y katawanin
sa iba't ibang bansa, laro nila'y maaalab

sa ating bansa, nag-iisa si Janelle Mae Frayna
bilang natatanging chess grandmaster ng Pilipinas
sina Arianne Caoili at Jan Jodilyn Fronda pa
na Pinay chess masters na laro'y kagila-gilalas

sa mga babaeng chess players, kami'y nagpupugay
kayo'y mga Gabriela't Oriang sa larong ahedres
tangi kong masasabi, mabuhay kayo! Mabuhay!
kayo ang mga Queen na mamate sa Hari ng chess!

- gregoriovbituinjr.
12.09.2024

* litrato mula sa isang fb page

Ang tula, ayon sa palaisipan

ANG TULA, AYON SA PALAISIPAN

sa Una Pahalang: isiping pawa
ano bang binibigkas ng makata?
na agad ko namang sinagot: TULA
lalo na't malimit kong kinakatha

gayong tula'y bihira kong bigkasin
batid kong walang didinig sa akin
maliban kung nasa rali't tawagin
ay bibigkas ng rubdob ang damdamin

makata akong kung magsulat: payak
hinggil sa maraming paksang palasak
tulad niring sugat na nagnanaknak
pluma'y tangan, palad ko'y naglilipak

nagbibilang ng taludtod at pantig
tiyak may tugma't sukat bawat pintig
nitong pusong kaysarap kung umibig
at tula'y bibigkasin kong may himig

- gregoriovbituinjr.
12.09.2024

* mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 9, 2024, p.11