Linggo, Pebrero 13, 2022

Nitoy

NITOY

mabuhay ka sa iyong paglaya
higit tatlumpung taon sa hoyo
ngunit nanatili ang adhika
at ang prinsipyo sa masa'y buo

mabuti't nakasama ka namin
dito na sa labas isang hapon
di biro ang danas mong abutin
ng tatlong dekadang pagkakulong

isa nang malaking karangalan
ikaw ay makadaupangpalad
nagkatalakayan, nagtagayan
kwentuhan, buong gabi'y bumabad

leyon kang ikinulong sa yungib
na makalaya'y nasang makamit
sentensya mo'y binuo ng tigib
batid mang ikaw lang ay nadawit

sa pag-uwi sa iyong pamilya
na nararapat lamang magawa
tanging bilin lang namin: Ingat ka!
kakapitbisig ka naming sadya

- gregoriovbituinjr.
02.13.2022

Tigatlo

TIGATLO

di man planado ngunit minsan ito'y nagagawa
sa bawat araw nakakatha ng tigatlong tula
marahil dahil sa buhay na ito'y naasiwa
kaya may kuro-kuro sa napagdaanang sigwa

bigay ko sa mga pamangkin ay tigatlong prutas
langka, pinya, pakwan, rambutan, kalumpit, bayabas
madalas magkwentuhan habang ngata'y sinigwelas
pakikisamang tulad ng alak mula sa ubas

tigatlong rosas tanda ng pagsinta sa maybahay
o kaya sa kasintahang minamahal mong tunay
pinagbibigyan ang kaibigan ng tatlong tagay
habang hagilap sa putik ay tatlong gintong lantay

sa triyanggulo'y kita mo agad ang tatlong sulok
ngunit paano ba mababaligtad ang tatsulok
na marapat lang nating gawin lalo't nasa rurok
ang trapong bugok, ah, ilagay ang dukha sa tuktok

- gregoriovbituinjr.
02.13.2022

Ang nawawalang kwintas

ANG NAWAWALANG KWINTAS

binasa ko'y kwentong "The Necklace" ni Guy de Maupassant
sa isang piging, ang mag-asawa'y naimbitahan
dahil sa garbo, kwintas sa kumare ang hiniram
matapos ang piging, kwintas ay nawalang tuluyan

hanap, hanap, kung saan-saan na sila naghanap
di makita, nagpasyang palitan ito ng ganap
tiningnan ang presyo nito, anong mahal, kaysaklap
ilang taon ding mag-iipon, sadyang kandahirap

mag-asawa'y napilitang kumayod ng kumayod
kamay na'y nagkalipak at sapatos na'y napudpod
araw-gabing trabaho, nag-ipon, nagpakapagod
umabot ng ilang taon ang buhay na hilahod

trabaho ng trabaho nang kwintas ay mapalitan
upang mabili lamang ang gayong kwintas din naman
dapat mabayaran ang nasabing pagkakautang
nang pamilya nila'y di malagay sa kahihiyan

hanggang kunin ng may-ari ang kwintas na nasabi
at nakitang namayat ang nanghiram na kumare
hanggang pinagtapat niya ang tunay na nangyari
kwintas ay nawala't pinag-iipunang matindi

sabi ng may-ari ng kwintas, bakit nagkagayon
nagpakahirap ka sa loob ng maraming taon
na kung pinagtapat lang sana ang nangyari noon
ay agad nabatid na puwet ng baso lang iyon

biro mo, nabubuhay upang mapalitan lamang
ang kwintas na nawala, anong laking pagkukulang
di namalayang ilang taon pala ang nasayang
isang palad na buhay nila'y nagkawindang-windang

- gregoriovbituinjr.
02.13.2022

* litratong kuha ng makatang gala mula sa aklat na The Story and Its Writer, Fifth Edition, pahina 976