Linggo, Disyembre 9, 2018

Aliping nagtaksil daw sa bayan

ALIPING NAGTAKSIL DAW SA BAYAN

Sa Amerika'y panahon iyon ng himagsikan
Nang isang lalaking alipin yaong hinatulan
Ng kamatayan sa salang pagtataksil sa bayan
Subalit ang nasabing alipin ay nangatwiran:

"Ako'y alipin kaya di n'yo ako mamamayan.
Kung ako'y di n'yo mamamayan, bakit hahatulan?
Ang maging tapat sa inyo'y di ko pananagutan
Kaya di dapat paratangang nagtaksil sa bayan."

Paliwanag ng alipin ay pinakinggang husto
At nakita ng korteng ang sinabi niya'y wasto
Siya'y pinawalang-sala't di na nakalaboso
Patunay itong alipin man, sila'y kapwa tao.

Isang aral itong dapat tandaa't maunawa
Alipin ka man, ipaglaban mo kung anong tama.

- gregbituinjr.
* batay sa isang ulat sa kasaysayan sa pahayagang Pilipino Ngayon, Disyembre 8, 2018, p. 5

DeDe-Es

Dispalinghadong Disipulo Sila, ang DeDe-eS
Na pagsamba kay Digong ay sadyang walang kaparis
Ayaw ng wastong proseso’t anumang paglilitis
Gusto lagi'y pumaslang at mga dukha'y matiris.

Duguan, Dinurog Sadya yaong mga biktima
Ng pagtokhang nila sa mga maralitang masa
Atas iyon ng pangulong nalulong na sa droga
Nang dahil sa Fentanyl, ang utak nito'y pinurga.

Dinahas, Dugo'y Sumabog, mga dukha’y kinitil
Walang labang maralita'y walang awang binaril
Inatas iyon ng bastos na pangulong matabil
Na tulad niya'y mga elitistang mapaniil.

Diring Diri Sila sa mga tulad niyang bangag
Pangulong kung anu-ano ang ipinapahayag
Na tingin sa dukha'y tila hitong pupusag-pusag
Na kaydali lang patayin, pagkat di pumapalag.

Dede, Dodo, Suso, nais ng pangulong kuhila
Atas pa niya sa mga sundalo'y manggahasa
Nais ng pangulong ang babae'y mapariwara!
Di dapat mamuno ang pangulong kasumpa-sumpa!

DeDe-eS silang si Digong lamang ang panginoon
Sinasamba nila'y bangag na’t sa droga nalulong
Na sa Santong Fentanyl ay palaging bumubulong:
Anong gagawin kung sa droga siya na’y nagumon?

Ang Boss nila’y Diktador, Diyablong Sugo ng dilim
Na pinaggagawa sa bansa'y karima-rimarim
Ang bansa'y binagyo ng poot, hilakbot at lagim
Kaya maraming pamilya ang nagdusa’t nanimdim.

- tulanigregbituinjr.