ALIPING NAGTAKSIL DAW SA BAYAN
Sa Amerika'y panahon iyon ng himagsikan
Nang isang lalaking alipin yaong hinatulan
Ng kamatayan sa salang pagtataksil sa bayan
Subalit ang nasabing alipin ay nangatwiran:
"Ako'y alipin kaya di n'yo ako mamamayan.
Kung ako'y di n'yo mamamayan, bakit hahatulan?
Ang maging tapat sa inyo'y di ko pananagutan
Kaya di dapat paratangang nagtaksil sa bayan."
Paliwanag ng alipin ay pinakinggang husto
At nakita ng korteng ang sinabi niya'y wasto
Siya'y pinawalang-sala't di na nakalaboso
Patunay itong alipin man, sila'y kapwa tao.
Isang aral itong dapat tandaa't maunawa
Alipin ka man, ipaglaban mo kung anong tama.
- gregbituinjr.
* batay sa isang ulat sa kasaysayan sa pahayagang Pilipino Ngayon, Disyembre 8, 2018, p. 5
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento