Huwebes, Abril 10, 2008

Soneto sa Kurakot

Soneto sa Kurakot
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kung itong gobyerno’y panay ang kurakot
Sa kaban ng bayan, laging dumudukot
Katwiran pa nila’y palusot, baluktot.
Ito pag minasdan ay nakalulungkot.

Mayaman ang bansa, ngunit kabang yaman
Ay inuubos lang ng lingkod ng bayan.
Tutunganga lang ba tayong mamamayan
O tayo’y kikilos at makikialam?

Ibalik sa bayan ang para sa bayan
At itong hustisya’y dapat nang makamtan
Tayo’y makiisa’t doon sa lansangan
Agad ibandilang, “Baguhin ang lipunan!”

Bawat mamamaya’y dapat magtamasa
Ng pagbabagong may totoong hustisya.


Sampaloc, Maynila
Abril 10, 2008