Huwebes, Mayo 31, 2012

Di tayo naging tao upang maging alipin


DI TAYO NAGING TAO UPANG MAGING ALIPIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

kasuklam-suklam sa uring mapagsamantala
ang anumang diwang magpapalaya sa masa
ayaw nila sa diwang nagbibigay pag-asa
at baka masa'y mag-alsa laban sa kanila

ngunit wasto nga ba't dapat may inaalipin
na kayod ng kayod upang iba'y makakain
ang magsasaka'y walang sariling lupang angkin
ang manggagawa sa pabrika'y alipin na rin

di ka ba nagtatakang yaong kayod ng kayod
ay kawawa't sila pang sa hirap lumuluhod
kaysisipag magtanim, mag-araro't magsuyod
ang iba'y kaybaba ng natatanggap na sahod

pag-aralan ang lipunan, sadya bang ganito
yaong masisipag ang naghihirap ng todo
kay-aagang magsibangon upang mag-araro
binabarat ang lakas-paggawa ng obrero

merkado na ba ang nagpapatakbo sa bayan
sila na bang umuugit sa pamahalaan
kung ganito ang unawa natin sa lipunan
di tayo lalaya kung tatanggapin ang ganyan

pilit sinubo sa atin ng kapitalismo
na balewala ang karapatan sa negosyo
di raw tayo bubuhayin ng pulos serbisyo
nagtatakda ng buhay natin ay ang merkado

ganito'y sadyang mali kung pakakaisipin
ituwid natin ang baluktot nilang pagtingin
di tayo naging tao upang maging alipin
mga kaapihang ito'y dapat nang tapusin

sa ating isipan ang simula ng labanan
unawain natin ang takbo ng kasaysayan
halina't ating pag-aralan itong lipunan
at kumilos tungong paglaya ng sambayanan