ANG NAKATARAK SA PUSOD NG PALAWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod
Palawan, kalikasan, yaman ng buong bayan
Ano't ito'y wawasakin ng mga minahan
Tila walang pakialam sa kinabukasan
Ng kapwa, ng bayan, ng buhay, ng kalikasan
Lalasunin ng mina ang lupang katutubo
Lalasunin upang kapitalista'y tumubo
Tubo'y nag-udyok kahit Palawan na'y maglaho
Sa tubo'y sakim basta't magpatuloy ang luho
Solusyon ba ang pagmimina sa kahirapan
Bakit ito'y papayagan ng pamahalaan
Nang mapunan ba ang bangkaroteng kabang-yaman
Na halos ubusin ng mga trapong gahaman
Kasama ba ang Palaweños sa pagpapasya
Upang Palawan ay masukol ng pagmimina
Hindi, mga Palaweños ay di isinama
Pagkat batid ng maypakanang tatanggi sila
Sa pusod ng Palawan ngayon na'y nakaumang
Ang matalas na patalim nilang mapanlamang
Nang dahil sa tubo, kanila bang nalalamang
Buhay nati'y wawasakin nilang mga halang
Lalasunin ng pagmimina ang mga tanim
Wawasakin ng mga sakim ang puno't lilim
Gutom, sakit, masa'y mapupunta na sa dilim
Pagkawasak ng Palawan ay ating panimdim
Ang pagmimina'y sadya ngang karima-rimarim
Pagkat idudulot nito sa bayan ay lagim
Huwag nating pabayaan silang mga sakim
Na sa likuran tayo'y tarakan ng patalim
Sa pusod ng Palawan, ang pagmimina'y banta
Sa buhay ng masa, magsasaka't manggagawa
Gawin natin anumang tulong na magagawa
Tulad nitong panawagang sampung milyong lagda