Lunes, Marso 7, 2011

Panukat sa Pagkilos (?)

PANUKAT SA PAGKILOS (?)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ano ang panukat para masabing kumikilos
ang isang aktibistang sa kahirapan busabos?
mga panukat bang ito'y bakit dapat matalos?

commitment ba sa puso, diwa't bisig niya'y taos?
nag-oorganisa pa ba kahit walang panggastos?
nakikibaka pa ba kahit laging kinakapos?

kasama pa ba sa rali kahit walang pangtustos?
sa kanya ba ideyolohiya'y di nalalaos?
kikilos pa rin ba kahit minsan lang makaraos?

unawa ba bakit karapatan ay binabastos?
bakit ba regular na manggagawa'y inuubos?
bakit ba buhay ng maralita'y kalunos-lunos?

sa pagsusuri sa lipunan ba'y di kinakapos?
nagpaplano bang sakim ay paano mauubos?
iyang kapitalismo ba'y paano makakalos?

gabay ng bawat isa ang panukat sa pagkilos
upang mga plinano'y maisagawang maayos
upang sosyalismo'y ating maipanalong lubos!

Walang komento: