TALAMBUHAY KO'Y TULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
"A poet's autobiography is his poetry. Anything else is just a footnote." ~Yevgeny Yentushenko, The Sole Survivor, 1982
sadyang tunay, na bawat makata'y isinusulat
ang pinagdaanang danas, laban at pagkamulat
sa bawat taludtod at saknong ay nasisiwalat
sa bawat katha'y tila naroroon siyang sukat
sa tanaga, pitong pantig ang bawat taludturan
sa dalit, waluhang pantig yaong nagyayakapan
sa gansal, siyaman naman ang nagkakatuksuhan
sa diona, usapan ng mga magkahuntahan
maraming danas na inilalarawan nang kusa
maraming kabiguang animo’y kasumpa-sumpa
maraming tagumpay na kinagagalak ng diwa
maraming labanang sadyang di maiwasang sigwa
basahing mataman ang tula ng makata't damhin
ang kaibuturan ng puso't diwa niyang angkin
makikilala mo ang makatang bibitin-bitin
sa ulap, humahabi ng anumang tutulain