KAPAG DI NA AKO TUMULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod
kapag inusad ko na itong pluma
tumagaktak ang pawis, walang tinta
pluma'y wala nang buhay, aking sinta
pagkat sa akin ay napawalay ka
bayan, kapag ako'y di na tumula
tandang inspirasyon ko na'y nawala
tandang ako'y di na nagmamakata
tandang pluma ko'y baon na sa lupa
binubuhay lang ng kanyang pag-ibig
ang aking panulat, tayutay, himig
indayog, diwa, dalumat at tindig
sana, sana, ako'y kanya pang dinig
di ko na pagtula'y pagpapaalam
sa sintang pag-ibig ko'y di maparam
hahayo ako doon sa di alam
marahil iyon nga ang mas mainam