Huwebes, Mayo 7, 2020

Kotang tula sa lockdown

ngayong may lockdown ay tinutukan ko ang pagkatha
at plinano kong bawat araw ay may tatlong tula
karaniwan sa umaga pa lang, kota nang sadya
may hapon pa't gabi, pag sinipag, may bagong akda

ngunit kung sanaysay, gawa ko'y isa bawat araw
minsan ay wala, basta't tatlong tula'y umaapaw
dalawa, apat, lima, anim, pitong tula'y mapalitaw
na mula puso't diwa ng makata'y kaulayaw

patuloy ang pagkatha ng makatang aktibista
na karamihan ng tula'y paglilingkod sa masa
sa tula idinadaan ang sentimyento't puna
pati na adhikaing pagbabago ng sistema

may mga tula hinggil sa mumunting bagay
bata, bato, buto, buko, butil, ang naninilay
danas, dusa, hirap, lalo na't di ka mapalagay
ah, kayraming paksa't tula ang makata ng lumbay

kota kong tatlong tula bawat araw na'y gawain
minsan, lampas na sa kota, basta't ako'y sipagin
at ngayon, ito'y tila isang ganap na tungkulin
na matapos man ang kwarantina'y gagawin pa rin

- gregbituinjr.

Kwento ng isang latang sardinas

noong ako'y binata pa'y tipid lagi sa gastos
anumang nasa pitaka'y tinitipid kong lubos
sa ulam nga'y nakaplano kung anong matutustos
isang latang sardinas nga'y di agad inuubos

maliit, pulang lata ng sardinas ang bibilhin
malasa't maanghang itong akin pang hahatiin
pang-almusal, pananghalian, panghapunan na rin
nakakabusog din, basta't marami ka lang kanin

sa turo-turo, tatlong kanin, kalahating ulam
sa kolehiyo pa'y nasanay nang iyan ang alam
tila ba sa tulad kong dukha'y iyan ang mainam
basta't busog ka't bayad, wala silang pakialam

natutunan ko iyon sa aking paggala-gala
nang umorder ng kalahating sardinas ang mama
at isang platong kanin sa turo-turo ng dukha
tila ba pulubing namamalimos ng kalinga

ako'y isang tibak na laging walang pamasahe
mabuti pa ang pulubing may sariling diskarte
isang latang sardinas lang, may ulam hanggang gabi
nakaraos muli ang isang araw, aking sabi 

- gregbituinjr.

Asahan mo

ASAHAN MO

asahan mo, irog
ang aking pagluhog
puso'y dinudulog
pagsinta'y kaytayog

asahan mo, sinta
nasa puso kita
laging narito ka
buhay ko't lahat na

asahan mo, giliw
sa harana'y saliw
pagsinta't aliw-iw
na di magmamaliw

asahan mo, hirang
saka'y nililinang
upang huwag lamang
poste'y binibilang

alam mo, mutya
ng buhay kong dukha
pagsinta'y panata
at tunay na sumpa

asahan mo, liyag
puso kong binihag
mo'y naging panatag
salamat sa habag

asahan mo, mahal
pagsinta mang bawal
o pagsinta'y banal
kita'y magtatagal

- gregbituinjr.

Mga dalit sa karapatan

MGA DALIT SA KARAPATAN
* Ang dalit ay katutubong pagtula na may walong pantig bawat taludtod

karapatang magpahayag
ay di dapat nilalabag
pag ito na'y tinitibag
masa'y dapat nang pumalag

karapatang magsalita
ay di dapat masawata
pag ito'y binalewala
dapat mag-alsa ng madla

karapatang magtrabaho
sana'y sapat yaong sweldo
sa lakas-paggawa'y sakto
at di lugi ang obrero

karapatan sa pabahay
sapat, disente, matibay
doon ka magpahingalay
at buuin yaring buhay

pati na ang kalusugan
ay atin ding karapatan
kung may sakit malunasan
kung gamot, bigyan o bilhan

kung walang libre, bili ka
kung mahal ang medisina
magtanong sa generika
bakasakaling may mura

karapatan sa pagkain
dalawang rason, alamin
kung may digma't sasakupin
o kalamidad sa atin

kung isa sa dal'wa'y wala
maghanapbuhay ang madla
ibenta'y lakas-paggawa
nawa'y iyong naunawa

karapatang maeduka
karapatang magprotesta
pati pag-oorganisa
at magtipon sa kalsada

marami pang karapatan
ang di ko nabanggit diyan
ngunit kung ito'y yurakan
ipagtanggol, ipaglaban

- gregbituinjr.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lunsod (KPML), isyu ng Mayo 1-15, 2020, pahina 20.

Sa musa ng panitik

kaysarap titigan ng ngiti't maamo mong mukha
maganda mong mata't ngiti'y di makatkat sa diwa
inspirasyon na kita sa lahat kong ginagawa
diwata kitang sa panaginip ko'y di mawala
ikaw ang hinehele niring puso, O, diwata
musa ka ng panitik, paraluman ng pagkatha

- gregbituinjr.