Huwebes, Abril 7, 2022

Sa book store

SA BOOK STORE

bumili ng bag dahil sa sawikaing kayganda
na nakatatak roong sa akin nakahalina
binili upang maitaguyod ang pagbabasa
at di ito upang kumita ang kapitalista

bilang makata, pagbabasa'y dapat itaguyod
pagkat gawaing ito'y talagang nakalulugod
nakakarating sa ibang lugar, kahit sa buod
nalalakbay ang buhay pagkasilang hanggang puntod

sa Book Sale at sa Fully Booked na'y kayraming nabili
na mga aklat na talagang kong ikinawili
habang sa National Book Store naman ako lumaki
tula't kwento'y binabasa, banghay na matitindi

ang tindahan ng aklat ang isa nang katibayan
na patuloy na nag-iisip ang sangkatauhan
yaong sinabi ng isang palaisip din naman
kaya araw-gabi, libro'y katabi ko't sandigan

bilang mambabasa'y marami ring naisusulat
upang balang araw ay tipunin ko't gawing aklat
ah, sa pagbabasa'y kayrami kong nadadalumat
na mga paksang pag tinula'y nakapagmumulat

- gregoriovbituinjr.
04.07.2022

Abril 7 - World Health Day

ABRIL 7 - WORLD HEALTH DAY

ikapito ng Abril ay ating ginugunita
Pandaigdigang Araw ng Kalusugan ng madla
dapat walang maiiwan kahit kaawa-awa
lalo't nag-pandemya, kayraming buhay ang nawala

ngayong World Health Day ay nais nating maiparating
sa kinauukulan ang ating mga hinaing
na sa pansitan sana'y huwag matulog, humimbing
kundi kalusugan ng bayan ay dingging matining

universal health care ay ipatupad at pondohan
pandemya sa kalusuga't kahirapan, wakasan
panlaban sa virus ay tiyakin sa mamamayan
pagpapagamot at gamot sana'y di magmahalan

tarang magbedyetaryan, kumain ng bungang hinog
at magsikain ng mga gulay na pampalusog
nang lumakas ang katawan, lumitaw ang alindog
malabanan ang sakit, ubo, tibi, kanser, usog

World Health Day sa bawat bansa'y dapat alalahanin
sakit ng kalingkingan, dama ng katawan natin
ang gamot ay pamurahin, agham ay paunlarin
nakasaad sa universal health care sana'y tupdin

- gregoriovbituinjr.
04.07.2022

Pagpuna

PAGPUNA

"Huwag silang magkamali, tutulaan ko sila!"
tila ba sa buhay na ito'y naging polisiya
nitong makata sa makitang sala't inhustisya
upang baguhin ng bayan ang bulok na sistema

tila tinularan si Batute sa kolum nito
noon sa diyaryo pagdating sa pangmasang isyu
pinuna nga noon ang bastos na Amerikano
pinuna rin ang sistema't tiwali sa gobyerno

di makakaligtas sa pluma ko ang mandarambong
sa kaban ng bayan, trapo, tarantado, ulupong
na pawang perwisyo sa bayan ang isinusulong
upang sila'y madakip, maparusahan, makulong

salot na kontraktwalisasyon ay di masawata
pati di wastong pagbabayad ng lakas-paggawa
patakaran sa klima, mundong sinisira, digma
pamamayagpag sa tuktok nitong trapong kuhila

pagpaslang sa kawawa't inosente'y pupunahin
pagyurak sa karapatang pantao'y bibirahin
sistemang bulok, tuso't gahaman, di sasantuhin
kalikasang winasak, pluma'y walang sisinuhin

tungkulin na ng makata sa bayang iniirog
na mga mali'y punahin at magkadurog-durog
upang hustisyang panlipunan yaong maihandog
sa masang nasa'y makitang bayan ay di lumubog

- gregoriovbituinjr.
04.07.2022