Biyernes, Setyembre 18, 2020

Huwag mag-lie low! Tuloy ang laban!

"Huwag mag-lie low! Tuloy ang laban!" lagi kong sabi
sa mga kasama at bilin na rin sa sarili
di pa tapos ang pakikibaka sa mga imbi
di pa nabago ang sistema't marami pang api

sa salitang "lie-low", iniba ko ang kahulugan
di lang ito pagtigil sa pagsisilbi sa bayan
dahil may bagong buhay na't pinagkaabalahan
lie low na'y huling pugto ng hininga, kamatayan

kaya lie low ay wala sa aking bokabularyo
na tingin ko na'y kamatayan ang katumbas nito
titigil sa pagkilos gayong di pa nananalo?
titigil sa pagkilos? nasaan na ang prinsipyo?

magreretiro lang ako sa araw na mamatay
magla-lie low lang ako pag napugto na ang buhay
patuloy akong kikilos hanggang kamtin ang pakay
simpleng tibak man ako'y makikibaka pang tunay

- gregoriovbituinjr.