Sabado, Setyembre 26, 2009

Mag-usap Kung May Alitan

MAG-USAP KUNG MAY ALITAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

dapat lang na huwag nating hayaang
maghalo ang balat sa tinalupan
daanin natin sa mga usapan
ang anumang ating mga alitan

bakit kailangang magkaduguan
kung maari namang magtalakayan
sa pag-uusap magkakaigihan
at hindi diyan sa paggagantihan

kaya halinang mag-usap, kabayan
suriin natin ang pinagsimulan
ng mga bumagabag sa isipan
huwag daanin sa paglalabanan

irespeto ang bawat karapatan
igalang din ang kapwa mamamayan
ang anumang problema'y pag-usapan
nang magkaroon ng kapayapaan

Sa Munting Bahay Kubo


SA MUNTING BAHAY KUBO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

bahay kubo kahit na munti man
masarap itong pagpahingahan
sa tanghaling tapat o gabi man
hihiga sa papag na kawayan
habang ang narito'y dinuduyan
ng malamig na hanging amihan

merong tanim sa paligid nito
na pawang pampalakas ng buto
basta't magsisipag lamang dito
ay tiyak may makakain kayo
sadyang kaaya-aya sa tao
magdamagan mang magmuni rito

bahay kubo ang aming tahanan
hinihigan ng hapong katawan
at ito rin ang aming takbuhan
kung nais ng payapang isipan
bahay kubo'y may katiwasayan
sadyang pugad ng pagmamahalan

nais ko rito sa bahay kubo
pagkat ramdam kong malaya ako
simpleng buhay, nagpapakatao
kahit dukha'y tangan ang prinsipyo
kaya halina sa bahay kubo
at mamuhay ng payapa rito