Huwebes, Hunyo 6, 2019

Pag ako'y nakatunganga, ako'y nagtatrabaho

PAG AKO'Y NAKATUNGANGA, AKO'Y NAGTATRABAHO

pag ako'y nakatunganga, ako'y nagtatrabaho
pag nakatitig sa kisame, nagninilay ako
pag nakatingin sa kawalan, kayraming usyoso
at maya-maya lang ay isusulat ko na ito

kinikiskis ko ang utak sa loob ng kisame
naroon sa laot habang nakatitig sa balde
pinipitas ang agiw habang naroon sa katre
nakatitig sa kalangitang akala mo'y kapre

nagtatrabaho ako pag ako'y nakatunganga
sinisipat sa isip ang nangyayari sa madla
habang makina'y pinatatakbo ng manggagawa
habang inaararo naman ang binagyong lupa

sapagkat ako'y isang mangangatha, manunulat
itinititik sa papel, sa diwa sinisipat

- gregbituinjr.

Mabuti ang adhikain ng mga aktibista

MABUTI ANG ADHIKAIN NG MGA AKTIBISTA

isa akong aktibistang marangal ang layunin
ang magkaroon ng pagbabago sa bayan natin
kung saan walang dukha't walang mayaman sa atin
pagkakapantay sa lipunan ang prinsipyong angkin

mabuti ang adhikain ng mga aktibista
para sa daigdig, sa ating bayan, at sa masa
ipinaglalaban nila'y panlipunang hustisya
nagsasakripisyo't inaalay ang buhay nila

kongkretong nagsusuri sa kongkretong kalagayan
batid bakit may laksang dukha't mayamang iilan
bulok na sistema'y binabaka upang palitan
at taos-pusong nakikipagkapwa sa lipunan

nag-oorganisa't handa sa pakikipagtuos
upang wakasan lahat ng klaseng pambubusabos
tanikala ng kahiraoa'y kakalaging lubos
pagpupugay sa bawat aktibistang kumikilos

- gregbituinjr.