Biyernes, Abril 26, 2013
Doon po sa aming maralitang bayan
DOON PO SA AMING MARALITANG BAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod
i
doon po sa aming maralitang bayan
mga pulitiko ay nagdadagsaan
mahirap ay muling pinangangakuan
pagagandahin daw ang kinabukasan
ngunit bakit kaya silang pulitiko
nakaupo na ng kung ilang termino
ngunit wala pa rin yaong pagbabago
na ipinangako nang sila'y manalo
at nangangampanya muli sila ngayon
ang muling manalo ang kanilang layon
serbisyo kunwari ang kanilang tuon
gayong nang umupo'y tadtad ng korapsyon
ii
doon po sa aming bayang naghihirap
di matupad-tupad ang aming pangarap
mga pulitiko'y di mo makausap
problema ng masa'y di maharap-harap
kahit alam nilang masa'y nagdurusa
ginagawa'y panay pamumulitika
mga dukha'y walang pagkain sa mesa
walang katiyakan ang trabaho nila
iyang mga trapo'y sadyang mapagpanggap
pag muling nanalo'y di mo mahagilap
serbisyo sa bayan ay aandap-andap
kaya ang ginhawa'y di man lang malasap
iii
doon po sa amin, may halalan muli
ang masa'y di dapat magbakasakali
mga kandidato'y dapat lang masuri
kung sino ang tapat at kapuri-puri
ilan sa kanila'y kilalang balimbing
iba't iba yaong partidong kasiping
naroon kung saan may kumakalansing
at pera ng bayan ang kinukutingting
ating bayan dapat tuluyang mabago
ang mga kurakot, huwag nang iboto
ang mga balimbing, tanggalin sa pwesto
nais nami'y tapat, totoong serbisyo
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)