PAGMUMUNI SA TAO'T KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
di matitikman ang masarap na sabaw ng buko
kung hindi susungkitin ang niyog sa puno nito
o kaya'y aakyatin at bibiyakin ang bao
upang mabuhay, kailangang kumilos ng tao
kayraming burak ang naimbak doon sa imburnal
tambak ang basurang tinipon ng pabaya't hangal
lupit ng kalikasan ay di natin masasakdal
tao, di bagyo, ang makapaglilinis ng kanal
di alam ng bagyo paano tanggalin ang plastik
na bumara sa kanal kaya nagkaputik-putik
bagyo'y di makapagpasyang ilong mo'y may tilamsik
tao ang magpapasya kung ilong mo'y mapipitik
kalikasan ay nariyan lang, may planong sarili
ngunit pag nanalasa, aba'y walang pasintabi
tao nama'y gagawa ng bubong, dingding, haligi
ang tao'y nag-iisip, punung-puno ng diskarte
bakit ka naman titira sa daanan ng tubig
pasesementuhan iyon, paglindol, tayo'y yanig
bakit sa barungbarong, maruming lupa ang sahig
bakit sa maruming sahig maglalatag ng banig
di ba't tao ang kumalbo sa mga kagubatan
tao ang pumatag sa bundok, ginawang minahan
tao ang nagpadumi sa hangin at karagatan
tao rin ang lulutas sa ganitong kahangalan