Lunes, Hulyo 14, 2025

Maniwala lang ba?

MANIWALA LANG BA?

nais kong ang sarili'y papaniwalain
na kayang harapin bawat alalahanin
na kaya ko bawat dumapong suliranin
na ako'y malakas at di masasakitin

dapat magsuri sa kongkretong kalagayan
anong katotohanang paniniwalaan
paano iwasan ang kasinungalingan
lalo pag ramdam mo'y ligalig at luhaan

eh, kung binobola tayo ng patalastas
eh, kung inaaliw lang tayo ng palabas
eh, kung ginamit na batas ay butas-butas
eh, kung namumuno sa bayan ay marahas

paniwalaan nating kaya natin ito
pagkaisahin ang dukha't uring obrero
ibagsak ang sistemang bulok sa bayan ko
itayo ang isang lipunang makatao

- gregoriovbituinjr.
07.14.2025

Sa malayo nakatingin

SA MALAYO NAKATINGIN

ano't nakatitig na naman sa kawalan
nang mapadaan doon sa kinaupuan
ano't palagi na namang natitigilan
araw at gabi ba'y lalagi akong ganyan?

maliban kung may pinagkakaabalahan
gawaing pagkamalikhain o tulaan
o pagbabasa ng aklat pampanitikan
o kaya'y pagsasalin ng akda ninuman

pasasaan ba't ako'y makakaahon din
sa burak ng pagkatulala't suliranin
sa kumunoy na malalim, tarik ng bangin
sa pusong wasak at hinagpis ng damdamin

makababangon din ako, ang laging usal
ngunit ang tanong, hanggang kailan tatagal

- gregoriovbituinjr.
07.14.2025

Tira sa hipon

TIRA SA HIPON

kinain ng dalawang pusa
ang natirang balat at ulo
ng hipon, mabubusog sadya
ang dalawang pusang narito

binili ko'y samplatong hipon
siyam ang laman, isang daan
bukas ay samplatong galunggong
para agahan at hapunan

tinitirhan yaong alaga
ng mga natirang pagkain
pati na ang ligaw na pusa
sa kanya'y nakisalo na rin

kung mayroong maibibigay
mga pusa'y bigyan ding tunay

- gregoriovbituinjr.
07.14.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1BEj49zewU/