WALANG AKSAYA SA PUNONG AKASYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
akasya'y pangkaraniwang punò sa bansa
ang dulot nitong lilim ay nakatutuwa
sa tanghali'y may masisilungan ang madla
upang di magkasakit, buhay pa'y sumigla
abot ng walumpu't dalawang talampakan
samanea saman ang pangalang pang-agham
maraming tudling, may balakbak na magaspang
tila baga isang salakot na luntian
akasya’y kaylaking pakinabang sa tao
sariwang tuyong kahoy ay pakuluan mo
kasama'y balakbak at mga dahon nito
inumin mo't lunas na mabisang totoo
pag ang ugat naman nito'y pinakuluan
ay lunas na panlanggas sa kanser sa tiyan
dahong ibinabad sa tubig ay mainam
sa may tibi't sa pagdumi'y nahihirapan
sa ibang bansa man, kayraming tulong nito
sa Venezuela'y lunas sa sakit ng ulo
sa Colombia, ang bunga nito'y sedatibo
sa Indonesia'y nginangata yaong buto
kahoy ng akasya’y gamit din sa paglilok
inalkoholang katas nito'y tumetepok
ng mga mapanirang anay, pati bukbok
at káya rin umanong sugpuin ang lamok
ang bawat bahagi nitong punong akasya
sa tao'y malaking tulong kung alam nila
di lang lilim, lunas pa sa sakit ng masa
sadyang sa punong akasya'y walang aksaya
ngunit dapat tayong magtanim at magtanim
upang mga punong ito'y magsidami rin
sa kanya'y sanlaksang tulong ang masisimsim
ay huwag mo lang siyang laging sisibakin