Huwebes, Setyembre 24, 2020

Talbos ng kamote't sardinas

sa bakuran sa umaga'y kaysarap ding mamitas
ng talbos ng kamoteng igigisa sa sardinas
ulam din itong sa kwarantina'y pagkaing ligtas
payat man ay nadarama ring ito'y pampalakas

sa sibuyas at bawang ito'y aking iginisa
o, kaybango ng bawang na nanuot sa sikmura
hanggang nilagay ang sardinas na dinurog ko na
at hinalo ang talbos, O, anong sarap ng lasa

hanggang maluto na ito't sa hapag na'y hinain
nilantakan din nila ang masarap kong lutuin
tanghalian iyon, sa linamnam ay nabusog din
sa sarap, pangalan ko'y tila nalimutan ko rin

habang kumakain ay aking napagninilayan
ang mga paruparong naglilibot sa lansangan
at sa puno ng gumamela'y nagkakatuwaan
tila kaytamis ng nektar doong masarap tikman

natapos ang aming kain, tiyan din ay nabundat
sa napagninilayan ay bakit napamulagat
habang nililikha ang mga tulang nadalumat
mula sa pintig ng puso, danas, at diwang mulat

- gregoriovbituinjr.

Sabong

ang mga manok naming alaga'y malalaki na
nakikipagsabong na sa mga kapatid nila
di man sila nagpapatayan, animo'y tupada
di ko naman maawat, may sariling buhay sila

sila'y tatlong buwang higit pa lamang nabubuhay
nasubaybayan ko sila mula itlog sa salay
hanggang maglabasan na ang labing-isang inakay
ngayon, malaki na silang animo'y nagsasanay

kung susuriin, iba ang buhay nila paglaon
at pag ginusto ng tao, sila na'y isasabong
buhay nila'y pagpupustahan ng mga sugarol
wala silang malay na buhay nila'y binabaon

inaalagaan sila upang sila'y kainin
iyon ang pakinabang nila sa daigdig natin
ngunit ang sugal na sabong ay inimbento man din
baka magkapera kung alaga'y papanalunin

- gregoriovbituinjr.